Sumailalim sa emergency appendectomy si Michelle Dee nitong Lunes matapos matuklasan ng mga doktor na may ilang bato na bumabara sa kaniyang appendix.

Ayon sa ulat ng GMA Entertainment, nakaranas ng matinding pananakit ng tiyan ang beauty queen at aktres habang papunta siya sa isang photo shoot kasama ang celebrity photographer na si BJ Pascual.

Sa kaniyang Instagram broadcast channel, ibinahagi ni Michelle ang larawan na makikitang nakahiga siya sa hospital bed.

"Just got out of the operating room. Thank you for all your well wishes. I appreciate every single one of you so much," saad niya.

Isang linggo bago nito, nagbigay na rin ng update si Michelle tungkol sa kaniyang kalusugan.

"Something really weird has been going on with my body lately. Just a little reminder to never ignore the signs your body gives you," ayon kay Michelle.

Kamakailan lang, naging busy si Michelle sa pagpo-promote ng pelikula ng GMA Pictures na "Red Crown," na kasama niya ang ilan pang beauty queen at iba pang personalidad.

Dumalo rin siya sa The New Nocturnals party na nagbihis siya bilang Cruella De Vil.

Nakatakdang lumahok si Michelle sa Miss Grand International All Stars sa Disyembre. Ito ang kaniyang pagbabalik sa mundo ng pageantry matapos makapasok sa Top 10 ng Miss Universe 2023.—FRJ GMA News