Ipinagluksa ng bansa ang karumaldumal na pagpatay sa respetadong aktres na si Nida Blanca, na natagpuang duguan at maraming saksak sa loob ng kaniyang sasakyan sa parking area ng isang gusali sa San Juan City noong Nobyembre 7, 2001.

Isang lalaking nagngangalang Philip Medel Jr. ang umaming siya ang gumawa ng krimen at itinuro ang mister ng aktres na si Roger “Rod” Lawrence Strunk bilang mastermind. Ngunit makaraan lamang ang ilang araw, binawi ni Medel ang kaniyang mga pahayag at sinabing pinilit lang siyang umamin.

Sa pag-alala sa ika-25 anibersaryo ng kamatayan ni Nida, maituturing na kaya itong “case closed”?

Sa nakaraang episode ng “Philippine Controversies Revisited,” sinabing kalunos-lunos ang sinapit at halos hindi na makilala si Nida, na 65-anyos na noon, matapos matagpuan ang kaniyang bangkay sa backseat ng kaniyang kotse na naka-park sa ika-anim na palapag ng isang commercial building sa nasabing lungsod.

Lumabas sa opisyal ng medico legal report na nagtamo si Nida ng 13 saksak sa iba't ibang parte ng kaniyang katawan.

Nagtamo siya ng malalim na saksak sa kaniyang leeg na humantong sa kaniyang agarang pagkamatay. Bali rin ang kaniyang tadyang sa magkabilang tagiliran.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas sa forensic analysis na sa bakanteng parking space mismo inatake at pinagsasaksak ang aktres, saka siya dinala at isinilid sa loob ng nakaparada niyang kotse.

Binuo ng Philippine National Police ang “Task Force Marsha” para tutukan ang pagpaslang sa aktres.

Gayunman, pahirapan ang mga imbestigador sa pagtukoy sa nasa likod ng krimen dahil walang narekober na murder weapon sa crime scene, bukod sa isang baling payong, na pagmamay-ari ng asawa ni Nida na si Rod Strunk, na ipinangsaksak ‘di umano sa kili-kili ni Nida.

Pag-amin ni Philip Medel Jr.

Nobyembre 19, 2001, o limang araw matapos ilibing si Nida, iniharap ng mga imbestigador sa publiko ang suspek umano sa pagpatay sa aktres, na si Philip Medel Jr.

Umamin si Medel na kinontrata siya 'di umano ng kaniyang kliyente para patayin si Nida. Sumuko umano siya matapos hindi na kayanin ang kaniyang konsensiya sa nagawang krimen.

Ang itinuro niyang mastermind sa krimen, ang asawa ni Nida na si Rod Trunk.

Sinabi ni Medel na kinuha umano siya ng isang middleman na nagangalang Michael Martinez. Ipinakilala naman siya ni Martinez sa isang nagngangalang “Rad” na kalauna’y natuklasan niyang si Strunk pala.

Inutusan umano siya ni Rad o Strunk na takutin ang asawa para pirmahan nito ang dokumento na may kinalaman sa mga ari-arian at last will nito.

Gabi ng Nobyembre 6, makikita si Strunk at ang babae para maghapunan, saka dadalhin ni Strunk sa nakaparada nitong sasakyan kung saan naghihintay si Medel.

Madaling araw ng Nobyembre 7, nagising na lamang si Medel nang may narinig siyang kaguluhan, at nakitang sinaktan na ni Struck at ng dalawa pang babae ang kanilang target.

Dito na siya sumali sa komosyon, at inundayan ng saksak ang babae gamit ang dala niyang military knife.

Nang mawalan na ng buhay ang babae, iniwan nila ang bangkay nito sa kotse.

Ikinagulat ni Medel kinaumagahan nang mabalitaan niyang si Nida Blanca pala ang babaeng kanilang pinatay.

Inuusig ng kaniyang konsensya, sumuko si Medel sa pulisya dala ang kutsilyong ginamit para manaksak at isang duguang damit na suot niya noong isakatuparan ang krimen.

May lamat sa relasyon?

Batay sa unica hija ni Nida sa una nitong asawa na si Kaye Torres, nagkalamat ang pagsasama nina Nida at Rod dahil sa paggamit 'di umano ng droga at pangangaliwa ni Rod.

Pinagbubuhatan din umano ni Rod ng kamay si Nida.

“‘Yung finances kasi niya out of control. And my mom was complaining to me already about that… He was already showing signs of greed during the latter years of their marriage to the point where it really affected even me because, well, there was this property nga in the States where he wanted his name on the title,” sabi ni Kaye.

Dahil dito, gumawa umano si Nida ng last will kung saan iniwan niya ang kaniyang humigit kumulang P85 milyong ari-arian sa pangalan ni Kaye.

Inalisan din umano ni Nida ng kahit anong mana si Rod. Ito ang isa sa mga maaaring dahilan para ipapatay ni Strunk ang aktres.

Bukod kina Strunk at Medel, naging person of interest din sa kaso ang middle man na si Martinez at ang engineer na nagngangalang Vicente Polinar, na siya umanong nag-surveillance sa lahat ng kilos ni Nila isang linggo bago ang pagpaslang sa kaniya.

Inalmahan ni Strunk ang mga akusasyon ni Medel.

“I did not nor did I have my wife murdered,” ani Strunk.

Pagbawi ni Medel

Apat na araw matapos umamin si Medel, sinabi niyang nakaranas umano siya ng torture mula sa mga kapulisan.

“I don’t want to drag people innocent people to my grave! I don’t know Mr. Strunk! I don't know him! My only sin is that I was not able to endure the cruelty that was inflicted against me! Look at my arms! I'm a victim of a power struggle! Political struggle,” sabi niya.

Pinabulaanan ng pulisya ang alegasyon ng torture, at inimbestigahan ito ng NBI at Commission on Human Rights.

Nag-iwan ng malaking lamat sa kaso ang pagkabig ni Medel.

Dahil dito, nagkaroon ng panibagong imbestigasyon at noong Febrero 2003, itinuloy ng DOJ ang pagsasampa ng mga kaso sa korte.

Inilabas ng PNP Crime Laboratory ang resulta ng kanilang pagsusuri sa 15 fingerprint specimen na nakuha nila sa kotse ni Nida. Gayunman, hindi ito tumugma kina Medel at Strunk.

Ang dugo namang natagpuan sa damit at kutsilyo na ginamit ni Medel 'di umano sa pagpatay kay Nida, hindi rin tumugma sa dugo ni Nida o ni Medel mismo.

Noong Enero 2002, umalis ng bansa si Strunk patungong Estados Unidos upang umano’y dalawin ang kaniyang inang may sakit.

Noong Pebrero 2003, isinampa sa korte ang mga kasong may kaugnayan sa pagpatay kay Nida Blanca.

Humingi ng extradition request ang gobyerno ng Pilipinas sa US District Court sa California para pabalikin sa bansa si Strunk at harapin ng kaso. Pero itinanggi ito ng US Federal Court.

Bukod sa binawing confession ni Medel, walang probable cause at kulang ng matibay na pisikal na ebidensya laban kay Strunk. Gayunman, hindi ito hatol na nagpawalang sala kay Strunk sa pagpatay.

“I know I'm innocent. I have nothing to gain by her death. My life has ended with her death,” sabi ni Strunk.

Pormal namang na-acquit o pinawalang sala ng korte si Vicente Polinar na idinawit dahil sa pagmanman umano kay Nida Blanca, dahil walang sapat na ebidensya na nag-uugnay sa kaniya sa pagpatay.

Biglang nawala na parang bula si Mike Martinez, na itinuturong middleman, noong Nobyembre 2001 matapos dukutin umano ng hindi kilalang mga armadong lalaki. Nananatili siyang missing at nananatiling nakabinbin ang warrant laban sa kaniya.

Nitong Hulyo 11, 2007, pumanaw na si Rod Strunk sa California, apat na taon matapos makalaya.

Si Philip Medel naman inilipat sa Pasig City Jail nong 2005 mula sa kustodiya ng NBI.

Sa paggulong ng kaniyang kaso, pumanaw si Medel noong Abril 7, 2010 sa Pasig City General Hospital dahil sa sepsis dulot ng pneumonia. —VBL GMA News