Kakaiba ang ginamit na paraan ng mga magkakaibigan upang maidikit sa kisame ang mga lobo para sa birthday celebration ng isa nilang kasamahan. Ang ginamit kasi nila: buhok. Paano? Alamin.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nasa Amerika ang magkakaibigan na OFWs at naglagay sila ng mga dekorasyon para sa pagdiriwang ng kaarawan ng isa nilang kasamahan.
Pero wala silang pandikit upang maidikit ang mga lobo sa kisame. Ang naisip nilang pandikit, ang ikuskos ang lobo sa buhok at kusa na itong dumikit sa kisame.
Ayon kay Ken Santos, naalala niya ang isang video na dumikit ang lobo sa pamamagitan ng pagkuskos sa buhok at naging epektibo naman dahil dumikit ang lobo sa kisame.
Ang video ng kanilang birthday celebration, umami ng maraming views at paghanga dahil sa kanilang naisipang pandikit sa lobo.
Pero bakit nga ba nagkaroon ng tila pandikit ang lobo matapos ikuskos sa buhok?
Ayon kay Kuya Kim Atienza, static electricity na nalikha sa pagkuskos ng lobo sa buhok ang naging susi para dumikit ang lobo sa kisame.
“Yung hair maaari itong mag-transfer ng electrons papunta doon sa balloon. Yung balloon magiging negatively charge, samantalang yung buhok naman magiging positively charge,” ayon sa physics instructor na si Ryan Victorio.
Dagdag ni Kuya Kim, ang interaskyon naman ng lobo at kisame ay isang kaso ng electrostatic induction, kung saan nagkakaroon ng pag-redistribute ng electric charges sa isang bagay.
“Ang ceiling kasi ay electrical insulator. Ito ay neutrally charge, so kapag nilapit natin yung balloon na negatively charge, nire-redistribute nito yung mga electron. Ang naiiwan doon sa ceiling ay protons na positively charge,” ayon kay Victorio.
“So kapag dinikit mo ngayon yung…didikit siya doon nang matagal,” dagdag niya. – FRJ GMA News
