Isang rider ang nasawi, habang sugatan naman ang isa pa matapos na magkasalpukan ang minamaneho nilang motorsiklo sa Calasiao, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente dakong 7:00 pm sa kalsadang sakop ng Barangay Macabito.
Sa lakas ng banggaan, wasak ang dalawang motorsiklo at nagkalat sa kalsada ang ilang piyesa ng mga sasakyan.
Ayon sa pulisya, galing sa magkabilang direksyon ang dalawang motorsiklo at nawala sa tamang linya ang isa kaya nangyari ang banggaan.
Kaagad na dinala ng rescue team sa pagamutan ang dalawang rider na parehong sugatan, at isang angkas. Subalit idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang rider.
Ayon sa opisyal ng barangay, nagkausap na umano ang magkabilang-panig na sangkot sa aksidente. Gayunman, sinsubukan pa ng news team na makuhanan sila ng pahayag, ayon sa ulat.
Inihayag din ng isang opisyal ng barangay na inilawan na nila ang lugar na madalas pangyarihan ng sakuna. Pero karamihan umano sa mga nagaganap na sakuna ay mayroong sangkot na nakainom ng alak. – FRJ GMA News
