Hindi man niya nasungkit ang number 1 spot ng 100 sexiest women ng FHM Philippines, malaki pa rin ang pasasalamat ng "Kapuso Pantasya ng Bayan" sa nakuha niyang suporta para maging number 2 sa ginawang online voting ng nasabing babasahin.
IN PHOTOS: Five Kapuso stars sizzle in Top 10 of FHM Philippines' Sexiest Women list
Sa press conference para sa kaniyang "State of Undress" photo book nitong Huwebes, inihayag ng Kapuso star ang kaniyang labis na pasasalamat sa lahat ng sumusuporta sa kaniya.
Itinatampok sa naturang photo book na mabibili sa unang araw ng Hulyo ang kuwento ng kaniyang buhay kung paano nagsimula sa hirap si Kim, naging internet swettheart, nangarap na maging artista, hanggang sa maabot niya ang kinalalagyan niya ngayon.
Sinabi rin ni Kim na masaya siya sa naging resulta ng 100 sexiest Pinay ng FHM magazine.
"Ako po, unang una, wala po akong sama ng loob o kalungkutan na naramdaman, kasi lahat naman tayo ay may definition ng sexy," paliwanag niya.
"Kung ano man po 'yung kalabasan ng FHM's 100's sexiest, okay po sa akin kasi, as a first timer before, number 9 ako kaagad, and then naging number 2. So malaking bagay po sa akin," patuloy niya.
Sinabi rin ni Kim na hindi siya nakikipagkompitensya sa iba pang Pinay celebrity na nasa listahan.
"Hindi naman ako nakikipagkompitensya. Trabaho lang. Focus lang ako sa goal ko talaga," ayon sa aktres na kabilang sa mga programang "D' Originals" at "Bubble Gang."
At dahil nakadikit na rin sa pangalan ni Kim ang pagiging sexy star at binansagan bagong "pantasya ng bayan," hindi itinanggi ng aktres na kung minsan ay may mga "indecent proposal" siyang natatanggap.
"Hindi ko po itinatanggi na may mga indecent proposal. Iwas po ako sa ganu'n," aniya "Nag-start ako as pa-sexy na, sanay na rin po ako. May mga bastos, pero ito na 'yung mundo kong pinasok, so okay lang naman po sa akin."
Nang tanungin kung ano pa ba ang inaasam niya, sinabi niyang gusto niyang makilala bilang isang magaling na aktres, lalo na sa indie film.
"Tumagal ako sa industriya. Gusto ko rin dumating 'yung time na matatawag akong aktres talaga. "Hindi rin po habang buhay magpapa-sexy ako," saad niya.
"Ginagawa ko po yung best ko para mapabuti po yung acting ko, nagwo-workshop ako kasi meron po akong gustong ma-achieve talaga. Kasi gusto ko patunayan, hindi lang sa ibang tao kundi sa sarili ko rin na, hindi lang po ako pa-sexy." -- FRJ/KVD, GMA News

