Isinapubliko na nitong Sabado ang kauna-unahang photo book ni Kapuso actress Kim Domingo na "State of Undress," kung saan tampok kung ano siya dati, ano na ang narating niya ngayon at kung ano pa ang kanyang inaasam.
Inilathala ng Summit Books, nahahati ang naturang photo book sa tatlong bahagi: 'In Full Bloom,' kung saan si Kim ay tila isang bulaklak; 'In The Raw,' tampok ang imahe ni Kim sa social media; at 'In Her Element,' ang natural na Kim Domingo.
Bago pa ang launching, itinanghal ng FHM Philippines ang Kapuso aktres bilang Number 2 "Sexiest Pinay" nitong nakaraang Huwebes.
Sa launch ng kanyang photo book, nagpasalamat si Kim sa mga patuloy na sumusuporta sa kanya.
"Thank you so much sa lahat nang bumili. Sabihin n'yo po sa mga friends n'yo na bumili ng book, I'm sure mag-e-enjoy kayo dahil hindi lang po 'yan pa-sexy, para rin po 'yang journal. Andyan po ang aking story."
Body shaming
Mensahe ni Kim para sa mga biktima ng body-shaming: "Para sa akin, ang key do'n ay maging confident ka talaga sa sarili mo. Kung meron mang ibang tao na iba ang tingin sa'yo, dedmahin mo na lang para iwas stress din."
Paglilinaw ni Kim, hindi raw panghabangbuhay ang kanyang pagpapa-sexy.
"Hindi rin naman habambuhay na ito ang imahe (sexy) na gusto kong tahakin. 'Pag hindi ko siya inunti-unti na bawasan, tatatak na talaga sa tao na 'pag sinabing Kim Domingo, sexy."
"So choice ko na rin talaga [na bawasan magpa-sexy]," aniya.
Ilan sa mga fans ang matiyagang naghintay sa pagdating ni Kim. Alas-dos ng hapon ang book launch at autograph signing, pero ang pinakauna sa pila 9 a.m. pa dumating.
Ang isang fan naman, um-effort pa at naghandog ng mga bulaklak at fluffy panda sa aktres.
Maski ang mga miyembro ng kanyang fans club, nakakuha rin ng pagkakataong makipagkuhaan ng litrato sa kanya.
Tuwang-tuwa naman ang iba na nagkaroon ng pagkakataong makapagpa-autograph at picture sa aktres.
Giit ni Kim na pangarap niya talagang maging isang magaling na aktres.
Pagkatapos ng D' Originals, makakasama niya si Kapuso Primetime Queen sa bagong show ng GMA Network na "The Good Teacher." —ALG, GMA News
