Marami ang naiinis sa karakter na ginagampanan ni Arianne Bautista na si Selma sa GMA hit afternoon series na "Ika-6 Na Utos" dahil sa pagiging loyal friend nito sa kontrabading si Georgia na ginagampanan ni Ryza Cenon. Patunay na epektibo ang ginagawa niyang pagganap sa role.

Sa panayam ni Rhea Santos sa programang "Tunay na Buhay," sinabi ni Arianne na tanggap niya ang samu't-saring reaksyon ng mga manonood sa kanilang serye kahit naba-bash siya paminsan-minsan.

"Binuhusan kasi ako ng tubig [sa eksena]. Sabi dun, may comment, 'Dapat binuhusan mo na ng gaas 'yan para masunog na yan eh.' 'Napakadaldal talaga niyan ni Selma dapat diyan pinapa-kidnap na talaga eh, dapat diyan pinapapatay na," kuwento ng aktres.

Sa kabila nito, sabi ni Arianne, "Pero ako, natutuwa ako."

Pero masayahin man on and off cam, napag-alaman na may hirap na pinagdadaan ang aktres dahil sa problema sa kaniyang tuhod na naoperahan.

Ayon sa aktres, bumabalik-balik pa rin ang sakit nito dulot ng patellar dislocation.

High school nang una siyang napilayan at kinailangan na isemento ang kaniyang tuhod dahil may buto raw na humiwalay.

Nasa kolehiyo na siya nang kinailangan naman itong operahan kaya bawal daw sa kaniya ang heavy sports.

"Bumabalik siya eh. Kailangan pa ng panibagong operation," pagbahagi niya.

Sa edad na 24, independent living na si Arianne sa kanyang condominium sa Pasig. Hilig daw ni Arianne ang paglilinis ng sarili niyang condo.


Ang motto ni Arianne sa buhay, "You just have to believe in yourself and everything happens for a reason. Kung may gusto ka man, hindi man maibigay sa iyo ni God, meron pang mas mabuti at mas magandang ibibigay sa 'yo si God."


-- Jamil Santos/FRJ, GMA News