Marami ang nalungkot at nakidalamhati sa pagpanaw ng beteranong theater, TV at film actor na si Bernardo Bernardo sa edad 73 noong Marso 8. Ngunit bukod sa kaniyang mga narating, hindi rin matatawaran ang tulong na kaniyang naibigay sa kaniyang mga mahal sa buhay, mapa-teatro man o showbiz.
Sa programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos, binalikan ang makulay na buhay ni Bernard, na inilarawan ng kaniyang kapatid na si Rosalinda na napakatalino at sadyang mahilig kumanta at umarte.
Paliwanag pa ni Rosalinda o Tita Baby, paborito ng kanilang nanay ang kaniyang kuya, kaya ipinangalan sa aktor ang "Bernardo Bernardo."
"For one reason or another, I guess he (Bernardo) looks like my dad, 'yung parang child of love... My mom was really, really in love with my father. Kumbaga sobrang pagmamahal na dinoble ang apelyido. His real name is supposed to be Emmanuel, but on last minute, my mom changed it to Bernardo Bernardo."
Pangarap na ni Bernardo na maging isang writer mula pa pagkabata, kaya nagtapos siya ng kursong Journalism sa University of Santo Tomas noong 1966.
Nakuha naman ni Bernardo ang Masters degree in Theater Arts sa University of California, Santa Barbara noong 1969. Kaya pagbalik nito sa Pilipinas, handa na siyang sumabak sa pagiging theater actor.
"Wala pa yata ako sa telebisyon, puro theater pa lang 'yung aking mga trabaho, nagkasama na kami ni Bernardo. Isa si Bernardo sa mga mentor ko rin," saad ng aktor na si Lou Veloso.
"Si BB [Bernardo], masarap siyang ka-eksena, very generous. Masarap kausap kasi sabay kayong gumagawa ng eksena," sabi ng aktres na si Ces Quesada.
Mula teatro, sinubukan din ni Bernardo ang telebisyon at pelikula, kabilang ang talk show na "Vilma Tonight"(1986-1995), "Home Along Da Riles" (1992) bilang si Steve Carpio kung saan nakasama pa niya si Dolphy, at "D Day" (1996) kasama si Dina Bonnevie.
Nakuha pa ng scholarship si Bernardo sa London sa kasagsagan ng kaniyang mga proyekto, at naging instructor pa siya ng mga konsul sa Department of Defense ng Maryland.
Nitong 2015, nagwagi si Bernardo ng Best Supporting Actor Award ng Gawad Urian para sa pelikulang "Imbisibol" at mga pelikulang "Hele sa Hiwagang Hapis," "Whistleblower," at movie musical na "Ang Larawan," na ipinalabas sa MMFF.
Ayon sa pamangkin ni Bernardo na si Susan Santos, pancreatic cancer ang ikinamatay ng kaniyang tiyuhin.
"October nagkaroon ng symptoms. After that nu'ng January, du'n na siya nagpunta sa St. Lukes, meron na siyang laboratory, may CT scan na talaga," kuwento niya.
Naging sobrang lungkot daw ng aktor nang malaman niyang may cancer siya.
"Siyempre nakita namin, mas malungkot na. Iba na 'yung mga sinasabi niya na sana huwag siyang ma-ospital. 'Ipagdasal niyong huwag akong ma-ospital kasi ayoko ng chemotherapy, ayoko ng surgery.' 'Anong gagawin natin? Anong plano mo?' Tapos may nag-recommend sa kaniya na isang friend, alternative medicine, may certain diet na binigay sa kaniya. Ginawa niya. Puro vegetables. Dahil pancreas, no sugar talaga. No fruits, no meat, no fish, vegetables lang talaga," pagpapatuloy ni Susan.
Sa kaniyang Facebook account, humingi ng panalangin si Bernardo na sinagot naman ng mga taong nakakakilala at pagmamahal sa kaniya.
Ngunit sa isang banda, tila tinanggap na rin daw ni Bernardo ang kaniyang kapalaran.
"Sabi niya, 'Dulce 'pag nawala ako, ayokong malungkot kayo ha, mag-party kayo. Nasisiyahan ako ng ganu'n.' Kasi po masayahing tao 'yan eh," kuwento ni Dulce Inoturan, pamangkin ni Bernardo.
Panoorin ang mga mensahe ng mga showbiz personality na inalala ang mga naiambag ni Bernardo sa industriya.
-- FRJ, GMA News
