Sa kabila ng mga daring at revealing scene, may paliwanag ang Kapuso stars na sina Sanya Lopez at Derrick Monasterio kung bakit "hindi bastos" ang pagbibidahan nilang upcoming movie na "Wild And Free."

Ipalalabas sa Oktubre 10, ang "Wild and Free" na istorya tungkol ng dating magkasintahan na nagkalayo at muling magkikita.

 

 

Gagampanan ni Sanya ang role ni Ellie na isang TNVS driver na iibig kay Jake [Derrick]. Sa kanilang relasyon, may madidiskubre si Jake na sikreto ni Ellie.

"Hindi siya bastos [movie]. Kasi kung ano talaga 'yung nangyayari sa couple, 'yun talaga 'yung ipapakita namin sa inyo. So 'pag nanonood kayo, we expect reactions na 'Uy, ganiyan tayo!' 'Uy ganito tayo 'di ba?' Gusto namin talaga maka-relate din kayo," sabi ni Derrick sa press conference ng "Wild and Free" nitong Martes.

"Base rin naman sa movie naming ginagawa, sa ganda ng istorya niya, feeling ko mas mararamdaman niyo po kung ano talaga 'yung nararamdaman kapag nagmamahal," sabi naman ni Sanya.

At dahil may mga intimate scene, ikinuwento ng dalawa kung paano nila ito pinaghandaan.

"Of course nag-prepare po ako, nanood din po talaga ako ng iba't ibang intimate scenes. Nanood ako ng kung ano ang makakatulong sa akin, alam kong makakatulong sa character ko. At the same time, nag-workshop kami at nandiyan po si direk Connie (Macatuno) para tulungan kami sa mga bagay na nahihirapan kami," sabi ni Sanya.

Pag-amin din ng aktres, nakatulong sa kaniya ang pelikulang "Fifty Shades."

"Nagtanong-tanong din ako actually sa mga friends ko na nakaranas din ng mga ganitong eksena. Kasi siyempre, hindi naman malayo 'yung story namin sa totoong buhay eh," ani Sanya.

"Hindi na unfamiliar sa akin 'yung mga ganu'ng scenes,' sabi ni Derrick. "And ginagawa lang namin as art."

Natanong din sina Sanya at Derrick kung handa na silang makilala rin sa mga sexy genre.

"For me po, wala naman pong masama dahil artista naman po tayo. So bilang artista po, nakikita ko na walang masama sa ginagawa naming trabaho as long as pinapakita at pinaparamdam namin sa mga manonood kung ano talaga 'yung importansya ng isang istorya," para kay Sanya.

"For me it's nice to do roles na different from what we have been doing sa career namin. Para sa akin, this is really an opportunity for me to explore bilang aktor," sabi ni Derrick.

Kasama rin sa pelikula ang Kapuso stars na si Ashley Ortega na gaganap bilang bestfriend ni Sanya, at si Juancho Trivino.

 

 

"Ang character ko po dito, ako po si Mira, ako po 'yung best friend ni Ellie na ginampanan ni Sanya. Ako ang nagbibigay ng advice sa kaniya when it comes to love," kuwento ni Ashley.

Patuloy niya, "Lagi ko siyang pinu-push. Tsaka 'yung mga lasingan moments and everything. 'Pag nalulungkot siya, ako 'yung nandiyan para i-guide siya."

Regal Films ang nag-produce ng pelikula sa direksyon ni Connie Macatuno.-- FRJ, GMA News