Sinabi ni Kapuso star Sanya Lopez na talagang pinaghandaan niya ang mga intimate scenes nila ni Derrick Monasterio sa bago nilang daring movie na "Wild and Free," kaya naman pinanood niya ang mga pelikulang makakatulong sa kaniya tulad ng "50 Shades" film series.
Sanya Lopez as Ellie, Derrick Monasterio as Jake in their movie "Wild and Free." @gmanews pic.twitter.com/m4P9fKkRi4
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) September 25, 2018
"Lahat naman po kasi napag-aaralan na sa ngayon. Nanood po muna ako ng mga movie na nakaka-relate du'n sa eksena ko," saad ni Sanya sa press conference ng "Wild and Free" nitong Setyembre 26 sa Quezon City.
Nang tanungin si Sanya kung kabilang ba rito ang 50 Shades, kaniyang sagot, "Opo, napanood ko po siya."
Mailalarawan ang 50 Shades series bilang isang "erotic romance trilogy" tungkol sa "kinky" relationship nina Christian Grey at Anastasia "Ana" Steele.
Bukod sa panonood ng mga intimate films, nag-workshop din si Sanya.
"Nag-workshop po ako, so nandiyan din po si direk Connie. 'Yung mga experience din ng mga kaibigan, kakilala ko, nagtanong-tanong din ako. Hindi ko siya ni-take as negative sa akin. Nandu'n ako para mas ma-adapt ko kung ano 'yung mga dapat kong pag-aralan," dagdag pa ng aktres.
Malaki rin aniya ang naitulong ng direktor na si Connie Macatuno para matutunan niyang mas maging intimate sa mga eksena.
"Sabi ni direk, 'Ganito kapag uungol, ganiyan kapag ano,' so andiyan, gina-guide niya talaga ako, sabi ko 'Direk paano po sabihin?' 'Yon. Bawat moan, bawat ganu'n."
Ipapalabas ang Wild And Free sa mga cinemas sa Oktubre 10.
"Ang lesson po for me, ito talaga 'yung totoong nangyayari sa buhay natin eh. Mas makaka-relate lalo na sa mga age namin mga millenial, kahit hindi naman millenial, dumaan din tayo dito. 'Yung pagmamahal lang talaga, kung hanggang saan mo kayang gawin 'yung isang bagay pagdating sa pagmamahal. Masama man 'yan, 'di ba? Well, iba't ibang klase eh kung paano mo ipapakita ang pagmamahal mo," ani Sanya.
— MDM, GMA News
