Lumipat na ang "Eat Bulaga" Dabarkads sa bago nilang tahanan, ang APT Studios sa Cainta, Rizal.

Classic pa rin ang "Eat Bulaga" theme nitong Sabado na sinimulan ng masayang production number sa pangunguna nina Baste at Ryzza Mae at mga batang sumali sa "Hype Kang Bata Ka."

May dance number din ang mga main hosts na sina Allan K., Ruby Rodriguez, Pauleen Luna, Alden Richards, Maine Mendoza, Patrica Tumulak at iba pang Dabarkads.

Kasabay nito ang pag-welcome rin ng EB Dabarkads sa audience at mga avid viewers sa bago nilang tahanan.

 

"Mga Dabarkads! Mula Batanes hanggang Jolo at pati sa buong mundo! Tuloy po kayo sa bagong tahanan ng isang libo't isang tuwa!" saad ni Joey de Leon.

Ani Tito Sen, "Sa aming mga Dabarkads! Welcome sa APT Studios! 17 days na lang, Christmas! Ito po ang regalo namin sa inyo, at tamang-tama rin dahil Immaculate Conception po ngayon. Tandaan natin, 'The world at prayer is a world at peace.' Matagal namin pinagdasal ito. Salamat po at ngayon magkakasama na tayo sa tahanan natin, tahanan ng Eat Bulaga, at tahanan ninyong lahat."

"Ito na ang umpisa ng EB version 4.0. Ang studio na ito ay para sa mga susunod na henerasyon ng mga Dabarkads katulad ni Baste, ni Ryzza. Paglaki nina Moses, Ziphora. 'Yang mga hype na bata na kasama natin ngayon," pahayag naman ni Bossing Vic.

Ipinasilip din nila ang bagong studio sa kanilang Facebook page, kung saan makikita sa lobby ang "EB ver. 4.0 Beliver. Giver. Forever."

 

 

— Jamil Santos / AT, GMA News