May bagong "look" para sa pelikulang "Kiko En Lala" si Super Tekla kung saan siya ang bida. Ikinuwento rin niya ang tungkol sa isa niyang "unforgettable scene" na may matinding sampalan.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago, makikita ang bagong buhok ni Tekla na malayo sa karaniwan niyang ayos na nakikita sa telebisyon.
"Ito si Lala. Ang character ni Lala dito sa ano... kasi kambal kami, Kiko ang Lala," sabi ni Tekla.
"Baklang ano... basta tipikal na baklang masayahin, may pangarap, makulit," dugtong niya.
Ayon kay Tekla, sobrang masaya sila sa set kung saan co-stars niya sina AiAi delas Alas, Kim Domingo, Jo Berry, Kiray Celis, Divine Tetay at Derrick Monasterio.
"Bawat taping day namin talagang kahit pagod, kahit sobrang haba ng oras, hindi namin iniinda kasi enjoy," sabi Tekla.
Ganito rin ang sinabi ni Derick, "Masaya 'yung set namin talaga. Si direk Adolf, like...para lang talaga kaming naglalaro pero of course, at the back of our minds, work ito."
Sinabi rin ni Tekla na may isang eksena na matinding sampalan na hindi raw niya malilimutan.
"May sampalan kami rito talagang intense. Sobra, Tito Lhar, parang pagka dumampi 'yung sampal sa 'yo, parang nag-broken family ka," natatawang sabi ni Tekla pero 'di niya muna sinabi kung sino ang nakaeksena niya.
Samantala, excited din si Tekla ngayong summer dahil makakasama niya ang 10-year old daughter niyang si Aira para magbakasyon.-- FRJ, GMA News
