Ipinagtanggol ng Malacañang ang mga celebrity na sinasabing kasama ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang state visit sa Russia.

“With regard to the showbiz people who are here, as far as I know, when they entertain the Filipino community while waiting for the arrival of the President, they are not paid,” paliwanag ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa text message.

“They have been doing that during the presidential campaign. They just happen to be genuine and rabid fans of President Duterte,” patuloy pa niya.

Ang pahayag ay ginawa ni Panelo nang hingan ng komento tungkol sa mga larawan na kumalat sa social media. Makikita sa post  na nasa Russia ang ilang celebrity tulad nina Cesar Montano, Philip Salvador at si Moymoy ng Moymoy Palaboy.

Nasa Russia rin ang dating performer na si Mocha Uson, na katatalaga lang bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga celebrity na sumasama sa biyahe ni Pangulong Duterte sa ibang bansa, tulad sa Japan noong Mayo.

Tatagal si Duterte sa Russia nang limang araw, at magkakaroon ng pakikipagpulong sa Pinoy community doon sa Sabado.

Ayon sa Philippine Embassy sa Russia, magtatanghal sa isang pagtitipon sa Exhibition of Achievements of the National Economy (VDNKh) sa Moscow ang Philippine Madrigal Singers at Bayanihan Dance Troupe.--FRJ, GMA News