Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang nitong Miyerkules na kailangan munang mag-apply ng parole sina Cedric Lee at Deniece Cornejo para sila makalaya.
Inihayag ito ni Catapang ilang araw matapos malaman ng BuCor na binago ng Court of Appeals (CA) ang hatol kina Lee at Cornejo mula sa serious illegal detention, na may parusang reclusion perpetua, patungo sa grave coercion, na may kaparusahang anim na buwan hanggang tatlong taon, anim na buwan at 21 araw na pagkakakulong.
Iniutos na ng CA ang pagpapalaya kina Lee at Cornejo matapos baguhin ang kanilang mga sentensiya. Gayunman, sinabi ni Catapang na kailangan pa ring bunuin ng dalawa ang sentensiya para sa isa pang kaso ng grave coercion.
Sa panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon public forum, sinabi ni Catapang na hindi maaaring sabay na pagsilbihan nina Cornejo at Lee ang kanilang dalawang sentensiya.
“Sa unang kaso na na-file, three months to six months na lang yung kanilang minimum na ise-serve. Pero sa isang kaso naman, na hindi pa naareglo o wala pa ring Entry of Judgment na natatanggap kami ay… maximum sentence to be served ay three years and six months,” ayon kay Catapang.
Tinataya ni Catapang na maaaring umabot ito ng hanggang apat na taon, ngunit sinabi niyang kakalkulahin muli nila ang eksaktong haba ng sentensiya. Parehong nakulong sina Lee at Cornejo mula pa noong 2024.
“Kasi ito po, hindi po release agad. Minimum serve, they will have to ask for a parole. Yung papeles naman nila ifo-forward namin na they are qualified having served the minimum sentence for parole,” paliwanag ng opisyal.
Sinabi ni Catapang na ipapadala ng BuCor ang mga kaukulang dokumento sa Board of Pardons and Parole.
Binigyang-diin ng BuCor chief na may proseso pa ring kailangang sundin bago tuluyang mapalaya ang dalawa.
Noong 2024, hinatulan ng isang korte sa Taguig sina Lee, Cornejo at iba pa nilang kapwa akusado dahil sa ilegal na pagdetine sa aktor at TV host na si Vhong Navarro.–FRJ GMA News

