Hindi inasahan ng Kapuso actress na si Kris Bernal na siya ang higit na masosorpresa sa inihanda niyang birthday surprise para sa nobyong si Perry Choi nang biglang mag-propose ang binata.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ikinuwento ni Kris kung papaano nauwi sa engagement party ang birthday party.

"Plano na rin pala niya sa birthday niya [Perry] na mag-propose kahit hindi mangyari yung surprise party na 'yon. Plano niya na birthday niya magpo-propose  talaga siya. Ang nangyari double surprises," ayon kay Kris.

"Kaya ang mother niya, dalawang surprise pala ang inaasikaso--yung surprise ko para sa kaniya at yung surprise para sa akin," dagdag ng aktres.

Tatlong taon nang magkarelasyon sina Kris at Perry na nagsimula dahil sa kanilang love for food.

Si Perry, bukod sa ipinagluluto si Kris, maalaga rin daw at very supportive sa nobya.

Mula sa burger business, nabuo ang kanilang joint venture na isang Korean restaurant.

Kahit busy sila pareho sa trabaho, may time pa rin daw silang mag-date at magsalo sa pagkain.

Kahit sa 2021 pa nila planong magpakasal,  iniisip na nila ang theme na may kaugnayan sa sunflower na paborito ni Kris.

At ang magiging kulay sa kasal, sabi ni Kris, "Gusto ko blue and silver." --FRJ, GMA news