Kahit naging challenging para kay Kris Bernal ang pagganap ng dual role sa "Impostora," worth it naman daw ito dahil sa overflowing support ng mga Kapuso sa pilot week pa lang ng afternoon drama series.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing damang-dama ni Kris ang suporta ng mga manonood sa pilot week ng serye ngayong linggo.

"Yung ibang nagtu-tweet sa akin biglaan lang daw nilang nakanood pero nagustuhan nila. Nagulat na lang ako nag-trending kami first spot and nakuha na rin namin yung rating... parang naku! thank you Lord," kuwento ni Kris.

Kahit challenging, exciting daw ang gumanap ng dual role sa karakter nina Nimfa at Rosette.

Maging siya Kris ay nae-excite din sa mga eksena na magkaharap sina Nimfa at Rosette na magkamukha pero magkaiba ang ugali.

Kaya naman worth it daw ang desisyon niya na maging daring at sexy sa "Impostora."

At kung walang taping, abala si Kris sa pagwo-workout para mas maging fit at healthy.

Hindi na rin daw niya pinapansin ang mga negatibo at masasakit na puna sa kaniyang katawan.

"Hindi naman masama ang loob ko pero para sa akin kasi parang ambilis lang nating mag-judge ng tao," anang aktres. -- FRJ, GMA News