Aminado si Carla Abellana na hindi "love at first sight" ang love story nila ng kaniyang nobyong si Tom Rodriguez.

Sa panayam ni Vaness Del Moral na host ng online talk show na "Just In," sinabi ni Carla na hindi nagsimula sa dati nilang hit Kapuso series na "My Husband's Lover" ang relasyon nila ni Tom.

Mag-asawa ang naging karakter nina Carla at Tom sa naturang serye, na kung saan ay karelasyon pala ng karakter ni Tom ang ginagampanan karakter naman ni Dennis Trillo.

Sa naturang serye unang nagkatrabaho sina Carla at Tom, pero ayon kay Carla, nang mga panahon na iyon ay wala pa raw silang espesyal na nararamdaman sa isa't isa ni Tom.

"Doon kami unang nagkakilala ni Tom, doon kami nagkatrabaho sa 'My Husband's Lover.' But it wasn't until maybe a year after noong sa 'My Destiny' [isa pang Kapuso series] na naging mas close kami. Tapos nagkaroon pa kami ng movie together," kuwento ni Carla.

Sa pag-alala ni Carla, tumagal pa ng isang taon bago nila naramdaman ni Tom ang pagtibok ng puso.

"Hindi siya 'yung parang love at first sight. Hindi 'yung in love kaagad," pahayag ng aktres.

"Imagine, it took maybe at least a year pa. After more projects together...'yun nga sa 'My Destiny' tapos nagkaroon kaming movie together so doon kami mas naging close," patuloy niya.

Ngayon, anim na taon na ang relasyon nina Carla at Tom, at muli silang nagkasama sa proyektong "Love of My Life." --FRJ, GMA News