Hindi naiwasan na mag-panic at maiyak ni Aicelle Santos nang makaranas siya ng bleeding sa pagbubuntis niya ngayon sa baby nila ni Mark Zambrano.

"Sa akin kasi, nausea and vomiting at the same time, tapos may food aversion din ako," kuwento ni Aicelle sa "Mars Pa More."

Pagpapatuloy ng Kapuso singer: "And then nu'ng lumipas na 'yung first trimester, now on my second gap, I thought 'Mahirap na 'yon, tapos na 'yon.' But then again 'yun nga na-shock ako du'n sa, nagkaroon ng bleeding nang kaunti and then there were contractions. So siyempre as a first time mom seeing blood, panic ka talaga 'di ba?"

Dahil dito, hindi niya naiwasang mapaiyak dahil sa karanasan.

"Kinukuwento ko kay Maricris, umiyak ako sa banyo, umiyak talaga ako kasi kung anu-ano na ang iniisip mo. I prayed and then I called my doctor then she told me na 'O relax ka lang, you might be stressed or something.'"

Ayon kay Aicelle, mataas ang tolerance niya sa sakit kaya hindi niya naramdaman ang mga contraction.

"Specially nu'ng nakita nga sa ultrasound na may contractions ako and I'm not feeling the contractions, kasi mataas 'yung tolerance ko sa pain. So sabi niya 'Bed rest ka lang' and then marami akong iniinom na gamot ngayon."

Kaya naman laging inaalala ni Aicelle na magdahan-dahan sa kaniyang mga kilos.

"Hindi mawawala 'yung worry but at the end of the day kailangan mo lang talagang i-lift up kay Lord lahat, 'Lord ikaw bahala, you take care of my baby," sabi niya.

Inanunsyo ni Aicelle ang kaniyang pagbubuntis nitong Hunyo.

Nag-propose si Mark kay Aicelle noong 2018. Ikinasal sila Nobyembre ng 2019. – Jamil Santos/RC, GMA News