Nakalabas na ng ospital ang batikang aktor na si John Regala matapos siyang ma-confine dahil sa mga iniindang karamdaman tulad sa atay.

Sa isang Facebook post, inanunsyo ng columnist na si Aster Amoyo na nakalabas na ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) si John matapos ang walong araw na pagkaka-confine.

Hiniling ni Aster ang pagpapagaling ni John, at pinasalamatan din ang mga tumulong sa aktor.

"After eight days of confinement at the National Kidney and Transplant Institute (NKTI), actor John Regala is now homebound. Praying that he continues to get better everyday. Many thanks to all those who donated and helped John on his way to recovery," saad niya.

Isa si Aster sa mga kaibigan sa showbiz ni John na tumulong sa kaniya, kasama rin sina Nadia Montenegro, Chuckie Dreyfus at Film Development Council of the Philippines chair Liza Diño.

Kahit matagal nang hiwalay, gumawa rin ng paraan ang dating asawa ni John na si Aurina Alvarez Manansala-Hunt, na naninirahan na ngayon sa Amerika.

Nag-viral kamakailan sa social media si John matapos na makunan siya ng larawan na nasa bangko sa gilid ng bangketa habang may hinihintay umanong tulong medikal sa Pasay City.

Bukod sa diabetic at severe gout, napag-alaman na may liver cirrhosis din ang batikang aktor.--Jamil Santos/FRJ, GMA News