Kinumpirma ng aktor na si John Regala na siya ang nasa viral na larawan na lalaking nasa bangko sa gilid ng bangketa habang may hinihintay umanong tulong medikal sa Pasay City. Napag-alaman din na may sakit na liver cirrhosis ang batikang aktor.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita si John sa nag-viral na larawan na nag-iisa lang at mas maliit na ang katawan kumpara sa hitsura ng kaniyang pangangatawan noon na napapanood sa pelikula at telebisyon.

Ayon sa tanod ng Barangay 183 na si Robin Padilla, nakita raw niya ang aktor na tila nahihirapan.

"Nakita ko po na parang nahihirapan, tinanong ko po siya. Parang nahihilo raw po siya, nahihirapan nga po siya na maglakad. Hindi niya kaya 'yung katawan niya," saad ni Padilla.

Sa panayam ng GMA News, kinumpirma ni John na siya nga ang nasa viral na larawan sa social media.

Kuwento niya, hinihintay niya noon ang kaibigan niyang nurse na magbibigay sa kaniya ng gamot nang makuhanan siya ng litrato na siyang nag-viral.

Ayon naman sa barangay health officer na si Rose Villajin, na sinabi sa kaniya ni John na 15 araw na raw itong hindi nakakain dahil hindi tinatanggap ng kaniyang sikmura ang kaniyang kinakain bunga raw ng sakit niyang liver cirrhosis.

"Tinanong ko, 'Sir ano po ba ang problema?' 'Ma'am, may liver cirrhosis po ako, may tubig po ang tiyan ko, bloatedness po ako at hindi po ako kumakain ng 15 days,'" ayon kay Villajin.

"'Hala sir!' sabi ko, 'Bakit ganu'n sir?,'" tanong pa raw ni Villajin.

Tugon naman daw ng aktor, "'Hindi po tinatanggap ng tiyan ko 'yung pagkain, isinusuka ko po."

Bukod sa kaniyang sakit, may iba pang pagsubok na pinagdadaanan ngayon ang aktor. Kabilang na dito ang kaniyang kalungkutan sa pagpanaw kamakailan ng kaniyang ina, at problema sa pera at pamilya.

"Tapos 'yung pagkawala niya [ina], tapos nagkaroon kami ng problema ng asawa ko. Kung simpleng tao lang, hindi makakayanan ang ratsada ng problema na kinakaharap ko ngayon," sabi ni John.

Nasa pamamahala umano ngayon ng Iglesia ni Cristo si John sa at tumutuloy sa pabahay nila sa Quezon City.

Nagpapalakas daw si Regala para muli siyang makabalik sa pag-arte kung mabibigyan ng pagkakataon.

Nakilala si John bilang isa sa mga "bad boy" ng pelikulang Pilipino sa husay niya sa pagganap bilang isang kontrabida.

Nakapanayam si John ng GMA News noong 2016 kung saan ikinuwento niya ang pagkakalulong niya noon sa ilegal na droga.

Napagtagumpayan na raw ito ni John sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos at sa tulong na rin ng pamilya.

Noong 2017, nag-viral ang larawan ni John nang makuhanan siya ng larawan sa isang supermarket sa Cavite habang tila nawalan ng malay.

Nilinaw noon ni John sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" na hindi siya na-stroke o inatake sa puso kundi hinala niyang bumagsak lang ang kaniyang sugar level dahil sa diabetes kaya siya hinimatay. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News