Kahit hindi pa masyadong magtagal na magkakilala, "click" na agad ang samahan nina "Mr. President" Gabby Concepcion at "Yaya" Sanya Lopez sa kanilang lock in taping ng Kapuso series na "First Yaya."

"Na-discover ko na mabilis mag-adjust si Kuya Gabby. Magaling siya kung paano makisama," sabi ni Sanya sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

"Of course Mr. Gabby Concepcion, ang akala ko sa kaniya talagang, of course, veteran, so parang hindi niya agad ako mapapansin pero sobrang bait," dagdag pa ng aktres.

Sabi naman ni Gabby tungkol sa kaniyang leading lady: "Masarap siyang katrabaho kasi professional tsaka she deserves 'yung 2.8 to 2.9 million [followers] niya talaga sa Instagram. Maraming followers ito, talagang mahal na mahal siya."

Mahalagang karakter naman ang gagampanan ni Pancho Magno sa series dahil magsisilbi siyang tulay para mas maging makulay ang ugnayan ng mga karakter nina Gabby at Sanya.

"Ako po si Captain Conrad Enriquez, ang number one na nagbabantay of course kay Mr. President. Siyempre 'yung loyalty niya, lahat na kay President. Although makikilala niya si Melody na mag-o-open up sa kaniya to a point na may mabubuong friendship. Pero siyempre nade-develop 'yung feelings ni Conrad para kay Melody," kuwento ni Pancho.

Gaganap naman si Miss Universe Philippines 2016 Maxine Medina bilang si Ma'am Loraine, at  kasama rin si Gardo Versoza.

Sa kanilang lock in taping, makikita sa kani-kanilang posts ng Tiktok sa social media na nakapagsimula na ang cast ng solid na samahan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News