Sa "Tunay Na Buhay," nagbigay ng pahapyaw si Manila Mayor Isko Moreno tungkol sa kaniyang buhay-pamilya, na madalang na malaman ng mga tao. Nagpaliwanag din ang alkalde kung bakit niya ito pinananatiling pribado.

"Napakahiyain nu'n [misis ko]. She wanted to live normally. While she has also some obligation as the wife of the mayor on a particular occasion, after that wala na ulit 'yon, bebeta (tatabi) na sa gedli (gilid) 'yun, doon na siya," sabi ni Mayor Isko tungkol sa kaniyang asawang si Diana Lynn Ditan.

Gayunman, ipinagmalaki ng alkalde na miyembro ng Philippine Taekwondo ang kaniyang misis.

Sinabi rin ni Isko na tutol siya noong una na mag-showbiz ang anak niyang si Joaquin. Ngunit kalaunan, pumayag din siya sa kondisyong tatapusin nito ang pag-aaral.
Nang tanungin ang alkalde kung ano ang pamilya para sa kaniya, sagot niya: " [Ang pamilya] Ang pundasyon ng lipunan. Kaya mahalaga ang pamilya." --FRJ, GMA News