Lumipad patungong Ireland si Glaiza de Castro para doon na magdiwang ng Pasko kasama ang pamilya ng nobyong si David Rainey. Pangako naman ni David sa pamilya ni Glaiza, aalagaan niya ang aktres tulad ng pag-aalaga nila sa kaniya noong bumisita siya sa Pilipinas.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita na magkasama na ang dalawa sa lugar nina David.

Unang pagkakataon ni Glaiza na magdiriwang ng Pasko sa Ireland, at dama niya ang sobrang lamig.

Siniguro naman ni David na kumportable ang kaniyang nobya sa kanilang bansa.

"Medyo nakakapanibago lang kasi siyempre galing ka sa tropical country eh tapos once you get out of the house, nandoon na 'yung lamig, nandoon na 'yung hangin na talagang nagpe-penetrate roon sa mga kalamnan mo," kuwento ni Glaiza.

Nakahanda na aniya ang dalawa na magdiwang ng Pasko kasama ang pamilya ni David.

"Lots of food and lots of games. My brother-in-law, he loves games," sabi ni David.

"Sinasabi ko sa kaniya baka puwede kaming magkaraoke rin dito kasi Filipinos love to sing and do karaoke," sabi ni Glaiza.

"Walang karioka, kwek kwek, banana que wala, turon wala," biro naman ni David.

Plano rin nina Glaiza at David na magluto ng Filipino food at ipatikim ito sa pamilya ni David.

"Sinasabi ko sa kanila na 'yung ginataan, pinapakuluan siya sa coconut milk na may saging na saba, kamote, bilo-bilo. Kasi nagdala siya ng glutinous rice rito eh kaya siya nakagawa ng palitaw," sabi ni Glaiza.

"We will take care of her, keep her safe, keep her warm. Make sure she has lots of nice food. Like when I was in the Philippines, February to  June, and Glaiza's family took care of me, we will do the same," sabi ni David. – Jamil Santos/RC, GMA News