Bilang isang ate, si Angelika dela Cruz ang nagsisilbing tagapagtanggol ng kapatid niyang si Mika dela Cruz sa tuwing nakararanas ito ng pambu-bully.

Sa "Mars Pa More," inilahad ni Mika na sa kanilang magkapatid, si Angelika ang madalas na napapaaway.

Gayunman, ang mga nambu-bully kay Mika ang madalas na kinokompronta ng kaniyang ate.

"Siya po ang nakikipag-away para sa akin. Kasi ako, tahimik, nandoon pa ako sa stage na hindi ko pa kayang maging firm. So lahat 'yan, 'Akin na 'yan! Sino 'yan?' Si ate lahat," kuwento ni Mika.

Ayon kay Angelika, hindi raw confrontational ang kaniyang kapatid, kaya siya ang humaharap sa mga nang-aaway dito.

"Kasi ito, lagi siyang nabu-bully. Hindi kasi siya confrontational, hindi niya ipinagtatanggol 'yung sarili niya. So siyempre ako bilang ate, ako 'yung nagagalit na, 'pag alam mong wala kang masamang ginawa, you have to defend yourself. Hindi 'yung papa-bully ka tapos 'crayola, crayola' 'di ba? Tapos ako 'yung magagalit, ako 'yung 'Akin na 'yan! Sino 'yan?'" kuwento ni Angelika.

Bukod dito, suportado rin ni Angelika ang mga trip ni Mika sa buhay.

Inilahad ni Mika na nagpa-tattoo siya, bagay na ipinagbabawal ng kanilang ama, ngunit sinuportahan ni Angelika.

"Alam ko na bawal na bawal, kasi mahigpit 'yung daddy namin eh. Mas kalmado na siya, pero mahigpit siya before tapos ayaw na ayaw niya talaga, hindi puwedeng magpa-tattoo kahit sino sa amin. Bawal talaga," kuwento ni Mika. "Kahit 'yung kuya ko gusto magpa-tattoo, wala talaga."

"Sabi ko, 'Gusto ko magpa-tattoo.' Tapos itong si ate, kunsintidora, sinamahan niya ako tapos biglaan chinarge namin 'yung vlogging cam, punta kami doon sa tattoo shop," dagdag ni Mika.

Matapos magpa-tattoo, si Angelika ang tinawagan ng kanilang tatay tungkol sa pagpapa-tattoo ni Mika.

"Hindi ako tinatawagan ni daddy kasi nararamdaman niya rin na hindi ako confrontational. So ang pinagalitan niya is si ate," sabi ni Mika.

"'Hoy! Nagpa-tattoo ba si Mika?' Sabi ko 'Hindi ko alam' 'Anong hindi alam? Kasama ka pa nga, nakita ko doon sa vlog mo,'" natatawang kuwento ni Angelika nang mapagalitan siya ng kanilang tatay.

Humingi ng panalangin ang magkapatid na Angelika at Mika nang dumaan sa pagsubok ang kanilang ama bago tuluyang sumakabilang buhay noong Hulyo. – Jamil Santos/RC, GMA News