Unang pagkakataon na magkakatrabaho sina Tanya Garcia, Carmina Villaroel at John Estrada sa isang teleserye na "Babawiin Ko Ang Lahat." Si Carmina, tinanong si Tanya kung ano ang first impression sa kaniya.

Pag-amin ni Carmina, marami ang nag-aakala na suplada siya kaya nais niyang malaman kung ganito rin ang tingin sa kaniya ni Tanya.

"Ano ang first impression mo sa akin? Wala ka namang [impression] sa akin na, 'Ay nakakatakot siya' or 'Parang suplada siya?,'" tanong ni Carmina kay Tanya na mapapanood sa kaniyang latest vlog.

"Ay hindi," mabilis na tugon ni Tanya. "Wala akong ganu'n sa'yo [na suplada]."

Paliwanag ni Carmina, kadalasan na tingin sa kaniya ng mga hindi nakakakilala sa kaniya na suplada siya dahil sa kaniyang kilay at pagiging tisay.

"Usually kasi kapag mestiza, 'pag ganiyan, 'yung kilay ko kasi palaging nasa third floor [nakataas]. If you don't know me people will think that I'm suplada, na ganiyan. Pero in fairness naman sa kaniya (Tanya) hindi niya first impression 'yun," natutuwang sabi ni Carmina.

Ayon naman kay Tanya, pamilyar na siya sa katangian ni Carmina dahil nagkikita na sila noon sa ilang guesting sa TV.

"Ang [impression] ko sa 'yo talaga parang, 'yung nakakatawa, 'yung, alam ko kasi parang mali mali ka eh, hindi ko nga alam kung bakit alam ko. Siguro sa mga 'Sis' nakikita kita na 'yung 'Ay ay ay!' 'yung ganiyan. 'Pag nakikita kita, natatawa ako, alam kong ganu'n siya," paliwanag ni Tanya.

"Eh ganu'n din ako eh, magugulatin. 'Ay ano yun?' 'Yung ganiyan, 'yung aligaga," pagpapatuloy ni Tanya.

Wala rin daw nakarating kay Tanya na negatibong komento tungkol kay Carmina.

"Wala pa ako naririnig or nakakarating sa akin na 'Ay mahirap katrabaho 'yan, suplada 'yan or meron yang diva [attitude]. Wala talaga. Alam ko talaga aligaga siya," kuwento ni Tanya.

Sunod nito, tinanong uli ni Carmina si Tanya kung ano naman ang first impression niya sa makakatrabaho nilang si John.

"Very normal naman ang reaction sa akin... na mabait," biro ni John.

Inilahad naman ni John kung ano ang mga naririnig niyang first impression sa kaniya ng kaniyang mga nakakatrabaho.

"Sa tagal natin parang I don't really care," anang aktor.

Pagdating sa "Babawiin Ko Ang Lahat," magiging magkaaway sina Tanya at Carmina.

"Makikita niyo talaga 'yung super opposite ng how we are now sa show," sabi ni Carmina.--FRJ, GMA News