Sa pagpasok ng 2021, may bagong simula ulit ang ilang Kapuso stars para ma-achieve ang kanilang goals sa buhay.

"To sing again in front of a live audience, that's one. Another, I want to write or produce more songs for myself and other artists, 'yan ang two goals ko," sabi ni Christian Bautista sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado.

Bago magtapos ang 2020, nakapag-release na si Christian ng bago niyang single na "This I Promise You" na revival ng NSYNC hit.

Naging line producer din si Christian ng virtual concert ni Alden Richards na "Alden's Reality," at siya rin ang sumulat ng victory song ni The Clash champion Jessica Villarubin na "Ako Naman."

Gusto namang pagtuunan ng pansin ni Derrick Monasterio ang kaniyang pagiging singer.

"Gusto kong i-pursue 'yung music, gusto kong magkaroon ng isa pang album na this time, ako 'yung magiging super hands on, na kung ano talaga ako, kung ano talaga 'yung music ko. Hopefully mga endorsements, concerts, mga ganiyan," sabi ni Derrick.

"Ang taas ng aspirations ko," sabi ni Derrick, na magiging abala na sa taping ng "Legal Wives."

Si Barbie Forteza, gusto nang ma-improve ang kaniyang driving skills.

"I believe mas responsible naman na ako, mas matured na ako. Gusto ko nang i-achieve 'yung side na 'yun. Gusto ko nang matutong mag-maneho para hindi ko na kailangan na abalahin pa si daddy or si Jak (Roberto) kapag may kailangan akong puntahan," ani Barbie.

Hindi naman na raw takot si Kate Valdez na subukan ang mga bagong bagay kaya hiling niya na matapos na ang pandemya para magawa niya ang mga ito.

"Mas ipu-push ko na maging adventurous, maging takaw mag-explore ng mga bagay na makakatulong naman po to build at mas makilala pa 'yung sarili ko," sabi ni Kate. – Jamil Santos/RC, GMA News