Higit pa sa manigo ang Bagong Taon ni Lovely Abella matapos na muling mag-propose sa kaniya ang fiancé na sina Benj Manalo, at sa anak din niyang si Crisha Kaye.

"For 2nd time around I got engaged at nag propose na din si benj sa anak ko para maging Anak na din niya, ang sarap sa pakiramdam na okay na ang lahat in Gods Perfect time..' paglalahad ni Lovely sa kaniyang Instagram.

Kasabay nito, inilahad din ni Lovely ang kaniyang mensahe para kay Crisha Kaye, at nagpasalamat kay Benj.

"'Nak, pangako ko na wala kang kahati, ikaw lang forever @crishakaye_ Babe @benj salamat sa lahat ng pagmamahal, madami mang pinagdaanan pero alam nating sila ang mapapagod sa atin, Cheers babe and Goodjob sa atin.." saad ng Bubble Gang star.

Matatandaang nagpositibo sa COVID-19 si Lovely Agosto ng 2020 at kinailangan niyang sumailalim sa dalawang linggong quarantine.

Gayunman, nagpasalamat siya sa pinagdaanan niyang pagsubok at umasang magiging maganda ang 2021.

"[A]t sayo 2020 thank you lahat ng tinuro mo sa amin, sa lahat ng sakit na binigay mo dahil sa lahat ng yun may bakas man, pero mas marami kaming natutunan.. papasukin na namin ang 2021 ng panibagong buhay, sa lahat ng nangyari mas naeexcite na ako sa mga haharapin pa namin ng buong tapang.. Happy New Year Everyone."

Unang naging engaged si Lovely at Benj noong 2019.

Ipinagpaliban muna nina Lovely at Benj ang dapat sana'y kasal na nila ngayong Enero 2021, dahil pa rin sa COVID-19 pandemic. – Jamil Santos/RC, GMA News