Malaki ang pasasalamat ni Giselle Sanchez kay Patricia Javier sa paghikayat sa kaniya nito na sumali sa Noble Queen of the Universe na siya ang nanalo. Pag-amin ng sexy comedienne, inakala niyang nagbibiro lang noon ang aktres.

Sa "Mars Pa More," ikinuwento ni Giselle na itinanghal na Noble Queen International 2020, na nagsimula ang paghikayat sa kaniya ni Patricia dahil chiropractor niya at ang mister ng huli na si Dr. Robert Walcher.

Ayon kay Giselle, lumapit siya kay Dr. Robert dahil may nakapagsabi sa kaniya na puwede ring malunasan ng chiropractor ang kaniyang allergy.

"Palagi akong nandoon, nakikita ko si Patricia. Sabi niya, 'Gi, sumali ka naman ng Noble Queen of the Universe. Tapos sabi ko 'Weh? Joke ba ito?!' Alam mo yu'n? And then sabi niya 'No I'm not kidding,'" natatawang kuwento ni Giselle.

Inihayag ni Giselle ang kaniyang mga pag-aalinlangan noong una.

"So at first I declined, kasi siyempre 'di ba komedyante ako. What will a commedianne be doing in a beauty contest or a beauty pageant or the pageant scene? I said no."

Pero matapos nito, nakita ni Patricia sa Instagram ni Giselle na may mga adbokasiya ang komedyana.

"Sabi niya 'Kasi Giselle, Noble Queen of the Universe is not about beauty or your body or a Question and Answer. It's about your advocacy, how you're helping people. And if you join us, kahit hindi ka manalo, your platform will become larger because marami kaming sisters na tutulong na sa adbokasiya mo," ani Giselle.

Sumali nga si Giselle, at nakuha ang Noble Queen International 2020 noong nakaraang Disyembre.

"So sabi ko 'Wow! Dito mas maraming sisterhood, mga mars na makakatulong sa akin, sa pagpapakain sa aking mga homeless, sa pagbi-build ng homes para sa mga homeless. Aba'y sasali ako.' Kaya sumali ako, not knowing that I was gonna win. Hahaha! Because I really joined for the sisterhood, kasi natutulungan nila ako eh," kuwento niya.

Labis ding ikinatuwa ni Giselle na tutulungan din siya ni Noble Queen of the Universe 2020 Megan Camaisa ng USA na mapatayo ang isang kumbento.

"Ang laki ng utang na loob ko kay Patricia Javier at sa kaniyang asawa na si Doc Rob because not only did I find sisters, but these sisters of mine will be helping me in my advocacy," sabi ni Giselle.

Si Patricia naman ang hinirang bilang Noble Queen Universe 2019.--FRJ, GMA News