Labis na pinasaya ni Barbie Forteza ang kaniyang "bagets at heart" na  fan nang sorpresahin niya itong batiin sa pagdiriwang ng ika-80 kaarawan. Si lola, pinili rin na ilaan sa pagtulong ang perang dapat na gagastusan sa selebrasyon ng kaniyang kaarawan.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Nanay Nenita Samson na si Barbie ang nagpapasaya sa kaniya mula nang pumanaw ang kaniyang asawa.

Pinapanood ni Nanay Nenita ang lahat ng pelikula at TV shows ng kaniyang idol, at updated din siya sa vlogs ni Barbie.

Pagkauwi ni Nanay Nenita galing Amerika noong 2019, nanood siya sa studio ng "Sunday PinaSaya" para makita nang personal si Barbie.

"Pinakiusapan ko na papirmahin si Daddy Tony niya doon sa dala kong kartolina, and then 'yun ang ipinakita ko kay Barbie habang naghahantay ako sa gate," ayon kay Nanay Nenita.

"Very accommodating siya, ang bait-bait niya! Pinatigil niya 'yung sasakyan, kinunan ako," masayang kuwento ni Nanay Nenita.

Dahil sa pandemic, sa pamamagitan ng internet sinorpresa ni Barbie si Nanay Nenita.

At sa virtual meet-up, ipinakita ni Nanay Nita ang larawan nila ni Barbie nang una silang magkita nang personal.

Hinangaan din ni Nanay Nita si Barbie sa pagtulong sa mga batang may bingot o cleft palate sa  pamamagitan ng Smile Train.

"Instead of spending 'yung pera sa party, gusto ko doon na lang ibigay sa mga bata na iyon through you. Bukal na bukal sa puso ko," sabi ni Nanay Nita sa aktres.
Labis din ang saya ni Barbie dahil nakapaghahatid siya ng kaligayan sa mga tao kahit na ang mga "bagets at heart."

"Sobrang nakaka-overwhelm at nakakataba ng puso dahil hindi ko lubos-akalain na through my work, dahil sa ginagawa ko, nakaka-inspire rin pala ako, hindi lang ng bata, kundi pati bagets at heart," sabi ni Barbie.--Jamil Santos/FRJ, GMA News