Mula sa simpleng yayaan lamang, hindi inasahan ni Neil Ryan Sese na magugustuhan niya ang pagiging aktor at tatagal sa showbiz industry ng dalawang dekada.

"Actor by accident ako," sabi ni Neil sa GMA Regional TV Live.

"Nag-start siya, kasi 'yung kabarkada ko meron siyang crush doon sa isang theater group namin noong high school. So in-invite niya ako na mag-audition, nag-audition ako tapos ako 'yung nakuha," pagpapatuloy ni Neil.

Pagtuntong naman ng kolehiyo, pinili ni Neil ang theater arts na isang non-quota course, para madali siyang makapasok.

"Kaya lahat ng mga kaibigan ko noong high school, gulat na gulat noong naging artista ako kasi ang alam nila mahiyain talaga ako noon dati," sabi niya.

Nanalo si Neil bilang Outstanding Supporting Actor in a Drama Series sa Golden Screen TV Awards para sa Kapuso drama series na Munting Heredera.

Kasama si Neil sa cast ng upcoming Kapuso series na Babawiin Ko Ang Lahat, kung saan gaganap siyang pulis na matalik na kaibigan ng karakter ni John Estrada. —LBG, GMA News