Hindi naitago ni Maureen Larazzabal ang kaniyang takot nang maranasan niyang maging mag-isa sa hotel na kanilang tinutuluyan para sa lock-in taping ng GMA drama anthology series na "My Fantastic Pag-ibig."

"Siyempre kapag mga weekly 'yung series na ginagawa mo tapos mala-lock in ka, ang pinakamahirap diyan 'yung dapat kumpleto lahat ng gamit mo, dala-dala mo na kasi walang labasan," kuwento ni Maureen sa Kapuso Showbiz News.

Ayon kay Maureen, iba ang schedule niya sa mga kasamahan niya sa kinabibilangang episode kaya siya ang nanatili sa hotel.

"Isa sa pinaka-challenging na parte ng lock-in taping sa akin was 'yung nag-taping na silang lahat ng morning, ang call ko, one in the morning na, madaling araw, so naiwan akong mag-isa sa hotel," sabi niya.

"Hindi kasi ako sanay na mag-isa, kahit sa kuwarto palagi akong may kasama. So this time mag-isa ako, meron akong takot factor, nakatingin ako sa apat na dingding ng hotel room kasi mag-isa lang ako doon sa hotel, wala na silang lahat sa floor. Kasi siyempre 'yung halos buong floor na 'yun sa amin lang," dagdag ng sexy actress.

Para mawala ang kaniyang takot, nag-live si Maureen kahit dis-oras ng gabi.

"Ang ginawa ko, siyempre nag-live ako nang nag-live ng ilang oras. Tapos natulog sandali pero tina-try kong matulog na kalahating mata ko, gising, kasi nga meron akong takot factor na mag-isa ako," sabi niya.

"'Yan ang isa sa pinaka-challenging sa akin," dagdag ni Maureen.

Si Maureen ang gaganap bilang si Chinchin isang witch na may gagampanang papel sa relasyon nina Popoy (Migo Adecer) at Celine (Kate Valdez) sa naturang romance fantasy anthology.

Ang "My Fantastic Pag-ibig" ay isa sa mga pinakabagong romantic comedy series ng GMA Public Affairs na pagbibidahan ng most promising young love teams ng Kapuso Network.--FRJ, GMA News