Matagal nang magkakilala at nagkasama sa iba't ibang proyekto sa Kapuso Network, inilahad nina Kyline Alcantara at Miguel Tanfelix kung gaano sila ka-importante sa isa't isa.

Sa vlog ni Aiko Melendez, sumalang sina Miguel at Kyline sa "Guilty or not Guilty" at sinagot ang mga maiinit na tanong tulad ng kung nagka-crush na sila sa kanilang fan, at kung na-in love na sila sa kanilang ka-love team.

Si Miguel, guilty na na-in love na sa kaniyang ka-love team.

Dahil dito, natanong ni Aiko kung mabilis ma-fall ang aktor.

"Hindi po, pero kapag na-fall ako sa isang tao, mafo-fall talaga ako," sagot ni Miguel. "Hindi naman 'yung to the point na ibibigay ko na lahat."

Si Kyline naman, sinabing na-in love siya sa isang katrabaho na hindi niya naging ka-love team, at umaming nagselos siya kapag may iba itong kausap.

Nang tanungin ni Aiko kung paano magselos ang aktres, si Miguel na ang sumagot para kay Kyline.

"Pabiro, pabiro. Gano'n siya magselos," sagot ni Miguel.

"Bakit alam mo Miguel?" follow-up question naman ni Aiko.

"Napapansin ko lang po sa kaniya," tugon ni Miguel, kung saan tila napangiti na kinikilig si Kyline.

Panghuli, tinanong ni Aiko ang dalawa kung gaano nga ba sila kahalaga sa isa't isa.

"Ang dami na kasing alam ni Ky sa akin eh. Nakita niya akong naging vulnerable, nakita niya akong masaya, nakita niya akong malungkot. So siguro ite-treasure ko 'yun dahil nakaka-relate siya kapag nagve-vent out ako sa kaniya, nakaka-relate siya sa problems ko, inintindi niya ako," sagot ni Miguel.

"So para sa akin bilang tao, importanteng may someone ka sa ganu'n sa buhay mo, 'yung someone na makikinig sa'yo. So very important," dagdag pa ni Miguel.

Sagot naman ni Kyline, "Same with him. Nakita niya 'yung ups and downs ko talaga sa life. Andu'n siya every step of the way. I'm just grateful for our relationship."

Kamakailan, pinusuan ng netizens ang nakakakilig na burger photo nina Kyline at Miguel para sa isang eksena ng GMA mini-series na "I Can See You."

Bibida sina Kyline at Miguel sa Season 2 ng "I Can See You" sa episode na pinamagatang #Future.--FRJ, GMA News