Gumawa ng parody song si Michael V ng awiting "Torpedo" mula sa kontrobersiyal na pagharang sa checkpoint ng barangay official sa idi-deliver na "lugaw."

Sa YouTube vlog ng Kapuso comedy genius, inawit niya ang parody song na "Essential Lang," mula sa tunog ng "Torpedo" ng Eraserheads.

Pinalitan ni Bitoy ang lyrics ng awitin para umakma sa insidente ng food delivery rider na hindi pinalusot sa checkpoint ng barangay dahil hindi raw "essential" ang dala niyang lugaw.

"Tubig, gatas lang atsaka groceries ina-allow ng korte, ang lugaw ay hindi," saad sa kanta ni Bitoy ng "Bubble Gang."

Bago nito, gumawa rin ng video ang "Bubble Gang" babe na si Ashley Rivera tungkol sa naturang insidente (WATCH: 'Lugaw' incident sa checkpoint, ginaya ni Ashley Rivera).--FRJ, GMA News