Sa tagal na niyang walang nakarelasyon, wala raw maalala si Katrina Halili na nami-miss niya sa mga lalaki, at hindi na siya kinikilig sa mga ito.

Sa "Mars Pa More," tinanong ni Iya Villania si Katrina kung ano ang nami-miss niya sa mga lalaki kapag wala ang mga ito.

"Naku Mars, medyo matagal na kasing wala talaga akong boyfriend kaya wala na akong maalala. Wala akong nami-miss," sagot ni Katrina.

"Kahit yakap?" pahabol na tanong ni Iya.

"Ay wala. Kuntento na ako sa yakap ni Katie," tugon ni Katrina.

"Pag-aalaga?" tanong naman ni LJ, kung saan muling sinagot ito ni Katrina ng "Wala, wala talaga Mars."

"Mga lalaki, wala talaga akong kilig sa kanila, wala na akong maalala, burado na sila," dagdag ni Katrina.

Gayunman, inilahad ng aktres na may nanligaw sa kaniya noong lalaki na nakilala niya sa Boracay.

"May nakilala ako sa Boracay tapos simula noong nakita niya ako ayaw na niya akong tantanan. Tapos sabi niya, may nagtuturo raw sa kaniya na ako na talaga," kuwento ni Katrina.

"Hanggang sa Manila nililigawan niya ako. Siguro siya na 'yung pinakanaalala kong kinilig ako," dagdag ni Katrina.

Enero 2014 nang maghiwalay sina Katrina at R&B singer na si Kris Lawrence matapos ang limang taong relasyon.

Mayroon silang isang anak na si Katie, na walong taong gulang na ngayon. —LBG, GMA News