Pahinga muna si Jak Roberto sa pag-prank sa nobyang si Barbie Forteza, at ang kaniya namang biniktima ang kapatid at "First Yaya" star na si Sanya Lopez.

Sa Youtube video ni Jak, inilitanya niya kung papaano kunwaring mawawala ang nakaparadang SUV ni Sanya sa harap ng bahay nito.

Ang hindi alam ng aktres, may kasabwat si Jak na palihim na kinuha ang kaniyang sasakyan at itinago sa isang car shop.

Nang lumabas si Sanya, nagtaka ang aktres at kinabahan nang makitang wala na ang kaniyang sasakyan.

Sinamahan pa ni Jak kunwari si Sanya na umikot para hanapin sa loob ng subdibisyon ang kotse.

Sa tila pagka-praning, lahat ng katulad na sasakyan na kanilang nakikita ay iniisip ni Sanya na ang "nawawala" niyang sasakyan.

Gusto na rin ni Sanya na ireport sa pulis ang inaakala niyang sasakyan na nawawala pero pinigilan siya ni Jak, at idinahilan na kailangan 24 hours muna ang lumipas bago puwedeng ireport sa pulis na nawawala ang kaniyang SUV.

Dahil naka-schedule palang dalhin talaga ang sasakyan ni Sanya sa car shop, sinabihan ni Jak na dapat munang magpunta sila doon para ipaliwanag ng aktres na hindi muna madadala doon ang SUV.

Pagdating sa car shop, doon na matutuklasan ni Sanya ang katotohanan. Panoorin ang big reveal sa video.

--FRJ, GMA News