Ibinahagi ni Aiko Melendez ang nakakakilig na sorpresa sa kaniya ng partner na si Zambales vice governor Jay Khonghun nang ipagdiwang nila ang kanilang ikatlong anibersaryo.

"Kinilig talaga ako nang bonggang-bongga noong third year anniversary namin ng partner ko. Kasi talagang feeling ko babaeng-babae ako. Kahit short hair ako, ang haba ng hair ko na nagta-traffic sa EDSA," natatawang kuwento ni Aiko sa programang "Mars Pa More."

"Kasi sinorprise niya ako, kahit mahirap to set-up an intimate party because of the COVID, pero sinet-up-an niya ako ng party which can be seen on my vlog," pagpapatuloy ng aktres.

Pagbibiro ni Aiko, umasa siya na magpo-propose na sa kaniya ang bise gobernador dahil sa nakakakilig na set-up.

"Akala ko nga proposal na. 'Hopia,' natatawang sabi ni Aiko.

"But not yet, not yet, not yet. Napahiya ako, parang 'Huh? Huh?' Hindi pala," dagdag ng aktres.

Pero sa hiwalay na vlog ni Aiko kung saan pareho silang sumalang ng nobyo sa compatibility test, inilahad ng bise gobernador na may plano na siyang pakasalan ang aktres ngayong 2021.

Si Aiko naman, gustong ikasal sa taong 2030.

--FRJ, GMA News