Lutas na ang problema at makakauwi na ang isang ginang na bagong panganak sa Lanao del Norte dahil sagot na ni Willie Revillame ang kulang na pera na pambayad niya sa ospital.

Kuwento ng ginang nang matawagan ni Kuya Wil para sa "Wowowin-Tutok To Win, nasa ospital pa siya at hindi pa sila makalabas ng bagong silang niyang sanggol na lalaki dahil kulang pa ang perang pambayad niya sa ospital na aabot sa P15,000.

Napag-alaman na mangingisda ang kaniyang asawa at ika-apat na anak na nila ang iniluwal niyang sanggol.

Sinabi naman sa kaniya ni Kuya Wil na huwag nang mag-alala dahil may P30,000 na ibibigay sa kaniya ang programa. Bukod pa rito ang tablet gadget at mga jacket.

Nang tanungin ni Kuya Wil kung sapat na ang naturang halaga, matapat na sinabi ng ginang na sapat na iyon at napakalaking tulong na sa kanila.

Kadalasang ikinatutuwa ni Kuya Wil ang mga caller na tapat at hindi nang-aabuso sa ibinibigay niyang tuloy. Kaya ang P30,000, dinagdagan ng TV host ng P10,000 bilang pag-ala-ninong sa sanggol. --FRJ, GMA News