Bilang isang senior citizen, ibinalita ni "Wowowin-Tutok To Win" host Willie Revillame na naturukan na siya ng first dose COVID-19 vaccine.

Ayon kay Kuya Wil, nitong Martes ng hapon siya nabakunahan ng Sinovac.

Dagdag pa ng TV host, sa May 11 ang ikalawang bakuna niya para makakuha ng “100%” protection laban sa virus.

Pero dahil unang bakuna pa lang ang nagagawa sa kaniya, sinabi ni Kuya Wil na nasa 25% pa lang ang proteksiyon niya laban sa virus.

“Hindi naman ibig sabihin ’di ka tatablan pero may panglaban na ang katawan mo. Hindi ka na magiging severe (symptoms) at wala ka nang tiyansang mamatay,” paliwanag niya.

Pinaalalahan din ni Willie ang publiko na sumunod sa safety protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at shields, at sundin ang vaccine priority line.

Dapat din umanong maging tapat sa mga itatanong bago bakunahan tulad ng kung may allergy sa gamot o may nararamdaman sakit.--FRJ, GMA News