Kahit marami ang nagsasabing bagay sila at nais silang magkatuluyan, inilahad nina Mikee Quintos at Kelvin Miranda na nag-usap silang dalawa at piniling maging friends muna at huwag magpadala sa pressure.

"Alam naman natin kung nasaang stage tayo eh. Kasi magkakaroon ka lang naman ng pressure once na hindi mo alam kung nasaan ka. Pero once na alam mo at naiintindihan mo 'yung mga nangyayari, magiging masaya ka," sabi ni Kelvin sa Kapuso Showbiz News na topic silang dalawang ni Mikee.

"There is no pressure naman. I'm happy at kinikilig ako na nakikita nila 'yon. That means we may be doing something right, right? As in, kung tinatanggap ang isang love team in that way, I think we're doing our jobs right. But it doesn't feel like we're 'okay,'" sabi naman ni Mikee.

Para kay Mikee, bonus na lang sa kanila ni Kelvin na kinikilig ang fans sa kanilang pagtatambal sa "The Lost Recipe."

"So 'yun ang best gift doon, na okay kami sa isa't isa at na-e-enjoy namin 'yung trabaho together. Doon muna tayo ngayon," sabi ng aktres.

Dagdag ni Kelvin, "Ayan 'yung sinasabi ko sa kaniya noong first meeting namin, in-explain ko sa kaniya, nag-usap kasi kami talaga as in masinsinan. 'Kelvin ano ba?' 'Mikee ano ba?' 'Parang ganito, para maintindihan natin 'yung mga bagay-bagay, i-try nating i-justify kung nasaan tayo.' As in, ganoon kami mag-usap."

Sinabi ni Mikee na pinag-aaralan din nila ni Kelvin kung bakit nga ba naging epektibo ang kanilang love team sa "The Lost Recipe."

"Kasi once na inisip natin 'yung relationship, mawawala tayo sa puwedeng mawala and then magkaroon tayo ng samaan ng loob. Hindi mo maiiwasan 'yun kasi tao tayo eh," ayon kay Kelvin, na ayaw magkaroon ng lamat ang kanilang pagkakaibigan.

"Sasabihin nating hindi, sure naman tayo but maaaring magkaroon ng lamat 'yung ginintuang pagsasama natin na ganito na wala namang something, but merong kuryente, 'di ba? May spark kahit na sabihin natin na hindi pa tayo doon, pero nararamdaman nating masaya," sabi ni Kelvin.

"It's kinda like magic. I think that's where the magic comes from din, na hindi kami nagpapa-pressure," para naman kay Mikee.

Matapos magpakilig sa fans sa "The Lost Recipe," nag-duet naman sina Kelvin at Mikee para sa "Two of a Kind" na inilunsad sa ilalim ng GMA Music.


 

--FRJ, GMA News