Dahil may pandemic pa rin, simple pero memorable at enjoyable na ipinagdiwang ng pamilya Dantes ang ikalawang kaarawan ni Sixto o Ziggy.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing gumawa ng simpleng pool party sina Marian Rivera at Dingdong Dantes para ipagdiwang ang ikalawang "lockdown" birthday ng kanilang bunso.

"Sabi ko nga, 'Anak lockdown pa rin dito pa rin tayo sa birthday mo. Pero 'wag kang mag-alala,'" kuwento ni Marian.

"Kasi mahilig si Sixto sa tubig, hilig din ni Sixto na mag-swimming eh. Gustong-gusto ni Sixto at Ate Zia ang mag-swimming," dagdag ng aktres.

Wish naman ni Ate Zia sa kaniyang little brother na maging masaya at malakas ito.

Dahil sa pandemic na hindi umaalis ng bahay si Marian kaya natutuwa siya na natutukan niya ang paglaki ng anak.

Sinabi ng aktres na madaling makapag-memorize si Ziggy ng mga song, alphabet, numbers, at colors.

"Siguro malaking bagay din na nandito kami, nandito ako para sa kaniya all throughout talaga. So nakakatuwa. Tapos nandiyan pa ate [Zia] niya," ayon kay Marian.--FRJ, GMA News