Inihayag ni Joyce Pring na binalaan niya noon si Juancho Triviño na huwag nang ituloy ang panliligaw kung hindi rin hahantong sa kasalan ang kanilang relasyon.

Sa "Tunay Na Buhay," muling binalikan nina Joyce at Juancho kung paano nagsimula ang kanilang pag-iibigan sa set ng "Unang Hirit."

Ayon kay Joyce, sinabihan niya noon si Juancho na may sarili siyang plano tungkol sa pagpapakasal.

"Before we started dating, I told Juancho na 'Huwag mo na ako ligawan kasi 'pag nanligaw ka, gusto ko 'yung magpakasal after two or three years kasi 'yun na 'yung plano ko sa life. So kung manliligaw ka tapos for fun lang na dating, you don't see yourself getting married, 'wag na lang kasi sayang 'yung oras ko, sayang din 'yung oras mo,'" sabi ni Joyce.

Gayunman, ipinakita ni Juancho ang kaniyang pagiging seryoso kay Joyce, na nasaksihan din ng UH barkada.

"'Yung personality namin ni Joyce, parehas kaming go with the flow. Nagulat ako noong nagba-banter kami, that very first episode na naghihirit ako, sumasagot din siya," sabi ni Juancho.

"So kahit after noon, I feel na, if you're going to ask me kung ano ang nangyari, paano tayo nagka-develop-an, nagkaroon kaming dalawa ng sariling understanding," dagdag ni Juancho.

Pebrero 9, 2020 nang ikasal sa isang garden set-up sina Joyce at Juancho.

Inanunsyo ng mag-asawa na inaasahan na nila ang kanilang unang baby. -Jamil Santos/MDM, GMA News