Sa vlog ni Heart Evangelista, makikitang magkasama at magkasundo ang kaniyang mister na si Sorsogon Governor Chiz Escudero at ang amang niyang si Reynaldo Ongpauco.

Ginawa ang vlog sa Sorsogon kung saan inihayag ni Heart na may ipinapagawang bagong bahay sa lalawigan ang kaniyang ama.

Sa pagtatanong ni Heart, sinabi ni daddy Reynaldo na dalawang buwan na siya sa Sorsogon dahil tinututukan ang ipinapagawang bahay.

Inihayag din ng ama ni Heart na gusto niyang tumira sa Sorsogon dahil kaunti lang ang kaso ng sakit at sariwa ang mga pagkain.

Makikita na magkasundong-magkasundo sina Chiz at ama ni Heart, hindi tulad ng mga naiulat noon magkasintahan palang sina Heart at Chiz.

Sa isang bahagi ng video, tinanong ni Heart ang ama kung bakit nga ba hindi sila magkasundo noon ng gobernador.

"So bakit kayo nag-away dati?" direktang tanong ni Heart kay daddy Reynaldo.

"Nag-away? Hindi ko naman siya naging kaaway," simpleng tugon ng ama.

Nang tanungin naman ni Heart ang ama kung bakit hindi dumalo sa kasal nila ni Chiz, hindi naging direkta ang tugon ni daddy Reynaldo.

Pero may panghihinayang siya kung bakit hindi siya dumalo.

"Sayang. Sana naging bati na kami noon pa," nakangiting tugon ng ama ni Heart habang nakikinig si Chiz na malapit kay daddy Reynaldo.

Biniro pa ni Heart ang asawa at ama na magyakap pero nagtawanan lang sila.

Ayon kay Heart, hindi physically expressive ang dalawa.

Taong 2015 nang ikasal sina Heart at Chiz, at ipinagdiwang nila ang kanilang ika-anim na taong anibersaryo nitong nakaraang Pebrero.

Ang sitwasyon nina Heart, Chiz at kaniyang mga magulang ay patunay na pinaghihilom ng panahon ang sugat sa puso.—Jamil Santos/FRJ, GMA News