Naging batchmates sa "StarStruck 6" na sina Ayra Mariano at Migo Adecer. Kaya naman nang magpasya si Migo na lilisanin niya ang showbiz, isa si Ayra sa mga binigyan niya ng pahiwatig.

Sa naturang season ng "StarStruck," si Ayra ang itinanghal na First Princess at si Migo naman ang Ultimate Male Survivor noong 2015.

Sa artikulo ni Rose Garcia sa PEP.ph, sinabi ni Ayra na isa si Migo sa mga closest and trusted friends niya sa showbiz mula noong StarStruck.

“Kasi, napag-usapan namin dito sa 'Heartful Café' [series] makakasama namin siya dito kaya abangan niyo iyan. Napagkuwentuhan namin ang isang bagay na sini-secret pa nga niya noong una," kuwento ni Ayra sa virtual mediacon para sa "Heartful Café."

“'Tapos, sabi niya sa akin, 'Abangan mo na lang. Merong isang news about me, after isang buwan, abangan mo iyon,'”patuloy niya.

Nang makita ni Ayra ang balita na nagdesisyon si Migo na umalis ng showbiz at bumalik sa Sydney, Australia para makasama ang kanyang pamilya, tinext niya si Migo.

Ayon kay Ayra, “Nang makita ko nga, sabi ko, 'Ah, aalis na pala siya ng showbiz.' Minessage ko siya. Sabi ko, 'Ah, ito pala iyong sinasabi mo sa akin.'"

Nang tanungin kung ano ang reaksiyon niya sa desisyon ng kaibigan, sabi ng Kapuso actress, “Well, ako, masaya naman ako for him."

“Kasi siyempre, desisyon niya rin iyon at saka, baka mas kailangan niya rin ng time sa family niya or to take a break kung ano man ang kailangan niyang gawin sa life niya. To enjoy his life na hindi na showbiz. Ako, masaya ko sa kung ano rin ang desisyon ng tao,” patuloy niya.

Nakangiting sabi pa ni Ayra, “Good luck to what lies ahead for him.”

Samantala, nagpasalamat naman si Ayra sa malasakit sa kanila ng Kapuso network sa ginawa nilang lock-in taping para matiyak ang kanilang kaligtasan.

“Kasi before noon, nagno-no rin po ako sa mga projects na hindi lock-in. Kasi, medyo delikado. Magri-risk ako ng isang taping lang. At least, ito, naka-lock-in taping ako, matagal ako do’n sa taping and alam ko iyong safety ko rin at pag-uwi ko, alam ko na safe rin ang family ko,” saad niya. --For the full story, visit PEP.ph