Inihayag ng first-time mom na si Alice Dixson ang kasarian ng kaniyang baby.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing sinariwa ni Alice, 51 anyos, ang lahat ng kaniyang sakripisyo magmula nang isilang ang kaniyang baby mula sa isang surrogate mom sa guesting niya sa Eat Bulaga nitong Sabado.

Sinabi ni Alice na naging hands-on-mom siya kahit walang helper o yaya kay baby.

Ni-reveal ni Alice na baby girl ang kaniyang anak na "Aura" ang pangalan sa "Bawal Judgmental" segment ng EB.

"By the way babae po ang anak ko, first po 'yan na in-announce dito. Everybody has been asking her gender, babae po siya. Her name is Aura."

"I just hope that she grows up to be a strong woman. My mom was very strong, I learned from her to really be persistent, to look at the bright side of things," dagdag pa niya.

Ayon kay Alice, mag-isa raw siya sa abroad nang manganak ang surrogate mother. Nang ibigay na ang baby kay Alice, siya na ang nag-asikaso ng lahat ng pangangailangan ng kaniyang anak, mula sa araw-araw na pangangailangan, hanggang sa pagkuha ng passport at visa.

“I embraced ’yung experience dahil para makilala ko ng mabuti ang aking anak, para magkaroon din kami ng bonding time,” sabi ni Alice.

Bukod dito, supportive at hands on father din ang kaniyang long-time partner kay Aura.

Nang dumating sila ni Aura sa Pilipinas, kailangan nilang sumailalim sa quarantine nang anim na araw. – Jamil Santos/RC, GMA News