Surprised at hindi makapaniwala ang Ben&Ben matapos silang ayain ng Grammy at Oscar-winning international singer na si H.E.R. para sa isang song collaboration.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, mapapanood ang kuwentuhan ng Ben&Ben at ni H.E.R., at humanga ang band members sa pagiging humble at galing sa pagsasalita ng Fil-Am singer.

Sa gitna ng kanilang pag-uusap, nabigla ang Ben&Ben nang alukin sila ni H.E.R. na mag-collab.

"I'm so happy to be speaking with you guys, we've got to collaborate on something, I've gotta hear some music," sabi ni H.E.R. sa banda.

"Siya po 'yung nagsabi na, 'We should work on something together' and grabe! Nagtilian kami noon, nagtilian kami talaga grabe, as in," sabi ni Miguel Guico.

"Gusto kong matuloy siya someday, it would be a dream, pero just being able to talk to her and get to know her, get to connect... Sabi niya 'Kababayan! Kababayan!' sobrang surreal," dagdag ni Miguel.

Bukod dito, hindi rin makapaniwala ang Pinoy pop collective band na tinatangkilik din ang kanilang musika maging sa South Korea.

Para sa banda, natutuwa silang na-a-appreciate ng ibang lahi ang musikang Pinoy.

Nalaman ng Ben&Ben na pinapakinggan maging ng K-pop idols ang kanilang mga kanta noong minsang mag-guest sila sa isang show sa South Korea.

"Salamat din sa mga nakikinig sa music namin, but salamat din sa followers nitong mga K-pop groups, kasi sila 'yung nagpaabot ng music namin sa mga K-pop idol," sabi ni Miguel.

Dalawang single ang nilabas ng Ben&Ben kamakailan-- ang "Upuan" at "Magpahinga" na kapwa ginawa nitong pandemic.--Jamil Santos/FRJ, GMA News