Ibinahagi ni Empoy Marquez sa "Share Ko Lang" ng GMA News and Public Affairs, na ilang beses muna siyang nabigo sa mga audition bago siya nabigyan ng pagkakataon na maipakita ang talento bilang komedyante.

"Para akong asong iniluwas na iniligaw," kuwento ni Empoy kay Dr. Anna Tuazon, host ng programa.

Sinubukan ni Empoy ang kaniyang showbiz career nang mag-audition siya para sa "Mr. Suave" look alike segment ng isang noontime show.

"Hindi po ako natanggap sa unang audition. After three days, lumuwas po ulit kami, and then hindi na naman ako natanggap," anang komedyante.

Gayunman, hindi nawalan ng pag-asa sa kaniya ang kaniyang mga kaibigan.

"Nilabas niya 'yung P1,000 nilang magkapatid. 'Poy ito 'yung last money namin ni Penten. Pero alam namin na ikaw ang mananalo doon, magtsa-champion doon kaya isusugal namin ito sa'yo ha,'" kuwento ni Empoy.

Matapos nito, natanggap si Empoy sa ikatlo niyang pagbabakasakali.

Nagtuloy-tuloy na si Empoy mula sa elimination, monthly finals, hanggang sa makaabot siya sa grand finals, at naging grand champion.

Ito na ang nagbukas ng pinto para makatanggap si Empoy ng mga oportunidad, mula commercials, guesting at TV at film projects.

"Sabi ko 'Lord, ito po ba iyon? Ito na ba 'yon?' One day in my life, nanaginip po ako, parang may binulong Siya sa akin na, 'O ayan ha, ginawa kitang ganiyan ha. Ibinigay ko sa'yo 'yung ganiyan, pinasikat kita nang husto. Pero may isang kondisyon. Gagawin kitang instrumento para invite mo lahat ng mga tao na nakakalimot na sa Akin. Akayin mo sila papunta sa Akin,'" sabi ni Empoy.

Mas nakilala si Empoy bilang male lead ng "Kita Kita" movie, na nakapagtala ng highest grossing indie film.

Panoorin ang buong panayam kay Empoy sa video ng "Share Ko Lang."
--FRJ, GMA News