Nabisto ang pagseselos ni Allen Ansay kay Vince Crisostomo dahil sa "special gift" na inakala niyang ibinigay dito ng kaniyang ka-love team na si Sofia Pablo. Pero ang hindi alam ni Allen, na-prank lang pala siya ng dalaga.

Sa "Lightning Laglagan" segment ng programang "Mars Pa More," sinabi ni Allen na nagkatampuhan sila ni Sofia minsan dahil sa online games.

"Ang dami po eh. Halimbawa nagtatalo kami sa ML (Mobile Legends), sabi ko 'Ano ba 'yan bakit kasi hininaan mo?'" kuwento ni Allen.

Pero depensa ni Sofia, "Nagtatampo ka kapag nagse-set ka ng emoji sa ML tapos hindi ako nagse-send back. 'Yun 'yung tampo. Pikon 'yung tinutukoy mo eh."

Idinetalye ni Sofia ang ginawa niyang prank kay Allen.

"Kapag po pina-prank ko po siya, kapag meron akong ginagawa sa kaniya pero ginagawa ko rin sa iba. Pinrank ko po kasi siya na binigyan ko rin si Vince ng ganito (bracelet). Sabi niya (Allen) 'Bakit mo binigyan?' Sabi niya 'Akala ko ba sa atin lang 'yon?'" kuwento ng teen actress.

"Sabi ko 'Hindi, eh gusto ko rin bigyan si Vince kasi close rin kami, special din siya,'" birong tugon ni Sofia kay Allen.

"Hindi niya po ako pinapansin," natatawang sabi ni Sofia.

Nagpaliwanag naman si Allen sa kaniyang pagtatampo.

"May paliwanag po diyan. Ito (bracelet) po kasi, parang alaala namin ni Aki (Sofia) sa Boracay kasi 'yun 'yung first time na nagsama kami sa Boracay. Unang beses ko rin na pumunta doon tapos magki-Christmas pa noon," sabi ng aktor.

"Siyempre para sa akin, 'Akala ko ba tayong dalawa lang? Hindi naman natin nakasama si Vince. Bakit meron siya?' Siyempre nagtatanong ako sa kaniya," ayon kay Allen.

Sa kabila ng madalas na pagsasama sa mga Tiktok video na umaabot ng milyong views at pagiging magka-love team, nilinaw nina Sofia Pablo at Allen Ansay na hanggang friends lang muna sila. --FRJ, GMA News