Inihayag nina Barbie Forteza at Julie Anne San Jose ang kanilang pasasalamat sa GMA Network sa pag-aalaga at pagtulong sa kanila nang dumating ang pandemya.

"In fairness to be honest, kahit na gulatan lahat sa nangyaring pandemya na ito, naramdaman ko personally 'yung pag-prioritize pa rin sa amin ng network, hindi nila kami pinabayaan," sabi ni Barbie sa Kapuso Showbiz News.

Ayon kay Barbie, nakatanggap sila ng suporta mula sa kanilang mother network maging sa pinansyal.

Dagdag pa ng Kapuso actress, sinisiguro rin ng network na hindi sila mababakante sa kanilang trabaho kahit nasa bahay lang.

"Tinutulungan nila kami in ways na hindi namin akalain na posible pala," ani Barbie.

"'Yung gratefulness and gratitude namin, malaking pasasalamat talaga namin because they keep on creating opportunities for us artists, especially in this time of pandemic," ayon naman kay Julie Anne.

"It is a fact na ang daming nawalan ng trabaho, ang daming kailangang gumawa ng paraan to sustain our daily needs. We are thankful kasi nandiyan pa rin ang GMA to help us survive," dagdag ng Asia's Pop Diva.

Para kay Julie, ramdam niyang nagtutulungan ang lahat.

"Kapag sinabi na artists,  may competition o whatsoever o may rivalry sa isa't isa. We never experienced anything like that," ani Julie Anne.

--FRJ, GMA News