Ikinatuwa ni Luke Conde na suportado maging ng kaniyang mga kaibigan sa kabilang network ang desisyon niyang lumipat sa GMA-7.

"May ilang friends din ako na nagsabi na 'Buti na lang lumipat ka.' So 'pag may mga ganu'ng comments na, 'We are looking forward na ito 'yung chance mo para magkaroon ng break na hinihintay mo rin.' They are really happy, and I feel blessed to have them," sabi ni Luke sa Kapuso Showbiz News.

Ayon kay Luke, binati rin siya ng kaniyang mga kaibigan sa ibang network sa kaniyang paglipat.

"Actually prior to the official announcement, may minessage rin ako na friends from other network na I'll be transferring. Pero doon sa official announcement may mga nag-comment, may mga direct message like 'yung mga ka-work ko sa kabila, si kuya Jugs (Jugueta) ng Itchyworms. Si Jon Lucas na brother ko pa from kabila, so ngayon excited na rin kaming makapag-work together," pahayag ng bagong Kapuso artist.

Natutuwa rin si Luke na suportado pa rin siya ng kaniyang fans kahit Kapuso na siya.

"Masarap sa pakiramdam, nakakataba ng puso kasi natutuwa ako na kahit lumipat na ako ng network is nandoon pa rin 'yung support at 'yung pagmamahal nila sa akin. And it goes to show na ako talaga 'yung love nila. 'Yung feeling na wherever you go, we'll be supporting you. And kahit saang network ka pa, nandito lang kami to back you up and we are excited," ayon kay Luke.

Naging Kapuso si Luke matapos pumirma ng kontrata sa GMA Artist Center nitong Miyerkoles.--FRJ, GMA News