Sandaling panahon na lang at handa nang muling sumabak si Kim Domingo sa taping ng "Bubble Gang." Naka-recover na rin ang aktres mula sa pagdadalamhati sa pagpanaw ng kaniyang best friend.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing meron na siyang 600,000 subscribers sa kaniyang YouTube channel. Pero hindi na siya nakakapag-post dito matapos pumanaw ang best friend na si Angelo Fango noong nakaraang taon, na katuwang niya sa paggawa ng vlogs.

"Siyempre masakit pa 'yung nangyari, parang 'Ay ayoko nang mag-vlog, ayoko nang mag-ganyan.' Tapos siyempre dahil bilang nagluluksa ka pa, nandoon 'yung time na lagi kang umiiyak tapos minsan wala kang ganang kumain. Kaya ang laki rin ng ibinagsak ng katawan ko noong time na 'yun," kuwento ni Kim.

Naka-recover na raw si Kim at natanggap na ang pagkawala ni Angelo.

Ginawan pa nga niya ito ng video sa petsa ng kaarawan nito.

"Ngayon kasi maraming nangyaring maganda sa buhay ko, sabi ko 'Parang ang lungkot lang na kung kailan nandoon na, doon naman nawala.' Pero siyempre sabi ko nga, may dahilan naman din si Lord kung bakit nangyari 'yon. So acceptance din talaga 'yung kailangan," sabi ni Kim.

Miss na rin ng Bubble Gang babe ang mag-taping dahil work from home muna siya sa ngayon sa naturang gag show.

Nakuha niya na rin ang first dose niya ng COVID-19 vaccine pati na rin ng kaniyang pamilya, at ready na siyang sumabak kapag nakumpleto na niya ang kaniyang bakuna.

"Nami-miss ko na mag-taping, nami-miss ko nang mapuyat, na nakaka-miss din talaga kasi. Simula noong may pandemic hindi talaga ako nagtrabaho. Kahit studio hindi talaga eh, talagang ngayon pa lang ako ulit babalik," ani Kim.

Samantala, muling nagpa-wow si Kim sa kaniyang latest pictorial kung saan suot niya ang emerald green ballgown na tinernohan ng ruby jewelry.

 

 

Nagpakita rin siya ng kaunting skin sa kaniyang photoshoot na may temang pagka-vintage na kinunan ng kilalang fashion photographer na si Shaira Luna.

Si Luna rin ang kumuha ng mga litrato ni Kim sa kaniyang "State of Undress" coffee table book.

Feel aniya ni Kim na gawin ang pictorial at walang espesyal na dahilan.

"Nag-usap-usap lang kami ng team ko na parang, 'Maiba lang. I-try naman natin 'yung ganito.' Dahil bilang ako naman ay may lahi rin na French, sabi niya 'Bakit hindi tayo mag-ganito, Victorian era, royalty ang peg natin?'"

May kuha rin ang aktres na suot ang feather dress na binabati ang kaniyang 10 milyong followers sa Facebook.--Jamil Santos/FRJ, GMA News